NAGING matagumpay ang katatapos lang na 85th PEN International Congress na ginanap sa bansa simula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4 ngayong taon. Ang nasabing kongreso ay pinangunahan ng Philippine PEN na may temang Pagsasalita sa Iba’t Ibang Wika: Kalayaang Pampanitikan at mga Katutubong Wika.
Kasabay ito sa deklarasyon ng United Nations sa 2019 bilang Pandaigdigang Taon ng mga Katutubong Wika. Nakatutok ang kongreso sa katutubong pagsulat, lingguwistikong dibersidad, at multikulturalismo.
Ang katatapos lang na kongreso ay isang kamangha-manghang pagkakataon upang maitaguyod ang higit pang pagkaunawa sa mga katutubong tradisyon. Gayundin ang mapatibay ang kanilang makabuluhang ambag sa kolektibong pamana ng lahi ng isang nasyon, at ng mundo.
LAYUNIN NG KONGRESO
- Itaguyod ang panitikan at mga pagsasawika nito sa iba’t ibang dila at anyo, kasama na ang sa mga katutubo at minoryang kultural;
- Ipagtanggol ang malayang pananalita, at itaguyod ang mga pagsasawika at mga hakbang na tumutugon sa mga kasalukuyang usapin sa kapaligirang panlipunan, kasama na ang kalayaan, mga karapatan ng kababaihan, at lingguwistikong dibersidad; at,
- Magsilbing tertulya ng mga manunulat at mga mambabasa mula sa iba’t ibang panig ng mundo para magpalitan ng mga idea at mga malikhaing pagpupunyagi, at para mapalakas ang pagkakaunawaan at pandaigdigang pagdadamayan.
Ilan pa sa mga naging tema ng PEN congress ay ang: ‘The Environment and Literature – What Can Words Do?’ (Tokyo 2010, hosted by Japan PEN); ‘Words, Words, Nothing but … Words?’ (Linz 2009, hosted by Austrian PEN); at ‘The Role of the Word’ (Bogotá 2008, hosted by Colombian PEN).
FREE THE WORD! MANILA: POETRY, PROSE AND PERFORMANCES
Sa main lobby ng Cultural Center of the Philippines ginanap ang Free the Word! Manila: Poetry, Prose and Performances.
Nagbahagi ng kani-kanilang talento sina: Lourd de Veyra (Philippines), Marjorie Evasco (Philippines), Kurt Alalag (Philippines), Tammy Lai-Ming Ho (Hong Kong), Seno Gumira Ajidarma (Indonesia), Fariq Alfaruqi (Indonesia), Judyth Hill (Mexico), Danson Kahyana (Uganda), Veera Tyhtilä (Finland), Félix Villeneuve (Canada), Yorn Young (Cambodia), Ayi Renaud Dossavi-Alipoeh (Togo), Foluso Adedoyin Agoi (Nigeria), Tomica Bajsić (Croatia), Santiago Villafania (Philippines), Marne Kilates (Philippines), Ruperta Bautista (Chiapas, Mexico), Yirgalem Fisseha Mebrahtu (Eritrea) at Michelle Yeo (Korea).
Inihahandog ang Poetry, Prose and Performances ng PEN International katuwang ang Cultural Center of the Philippines (CCP) at sa suporta ng National Book Development Board (NBDB).
Comments are closed.