PAGSASAMA SA PH SA ‘WORST COUNTRIES’PARA SA MGA MANGGAGAWA ‘DI MAKATWIRAN — DOLE

KINONDENA ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng top 10 worst countries para sa mga manggagawa ng International Trade Union Confederation (ITUC).

Ayon kay Laguesma, hindi ito makatwiran at hindi nagpapakita sa aktuwal na sitwasyon sa bansa.

 “Nakalulungkot at hindi katanggap- tanggap ‘yun pong nabanggit na ipinagkaloob na  rating ng ITUC sa ating bansa, dahil wala pong… Siguro kayo na rin mismo ang makakapagsabi ay hindi naman po siguro ganyan ang aktwal na  kalagayan sa ating bansa,” pahayag ni Laguesma sa Super Radyo dzBB, bilang tugon sa 2024 Global Rights Index ng ITUC.

“Alam mo, kung titignan mo ‘yung kanilang explanation ng kanilang rating, eh hindi po tayo talaga dapat. Hindi po makatwiran na  tayo’y bibigyan ng rating na 5.”

Sa 2024 Global Rights Index nito, binigyan ng ITUC ang Pilipinas ng iskor na 5, na nangangahulugan na “No Guarantee of Rights.”

Inuuri ng ITUC ang mga bansa batay sa mga iskor na 1 (Sporadic Violations of Rights) hanggang 5+ (No Guarantee of Rights Due to the Breakdown of the Rule of Law).

Ang mga bansa na may iskor na 5, tulad ng Pilipinas, “are the worst countries in the world to work in.”

Para sa mga bansang ito, sinabi ng ITUC na, “While the legislation may spell out certain rights, workers have effectively no access to these rights and are therefore exposed to autocratic regimes and unfair labor practices.”

Kasama ng Pilipinas sa  Top 10 worst countries para sa mga manggagawa ngayong 2024 ang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Guatemala, Myanmar, Tunisia, at Turkiye.

Ang Pilipinas ay nasa 10 worst countries for workers list ng ITUC magmula noong 2017.

Binanggit din ng ITUC ang pagpatay kina Alex Dolorosa, organizer sa BPO Industry Employee Network, at Jude Thaddeus Fernandez, organizer mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Kinuwestiyon ni Laguesma ang kawalan ng access sa mga karapatan dahil sa kawalan ng aksiyon na isinasagawa sa mga kaso.

“Totoo po na mayroong mga kaso at hindi naman po natin ‘yan ipinagwawalang-bahala. Pero sa pananaw po namin, ito naman ay mga isolated cases na  meron pong hakbangin kaagad na isinasagawa ang atin pong pamahalaan,” aniya.

“Kung tayo po talaga ay nariyan sa mga bansa na medyo, ika nga’y talaga namang sa tingin ko hindi tayo karapat-dapat mapabilang doon eh, eh bakit po na-elect bilang miyembro ng governing body nitong  kakatapos na International Labor Conference,” dagdag pa niya.