IMINUNGKAHI ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay para makalikom ng malaking kita ang susunod na pamahalaan at bilang tugon na rin sa kung papaano makaluluwag ang bansa mula sa epekto sa pananalapi ng COVID-19 pandemic.
Pero paglilinaw ni Salceda, ang iminumungkahing privatization sa NAIA ay hindi nangangahulugan ng tuluyang pagbebenta sa pag-aari ng gobyerno.
Maaari aniyang i-adopt ang ginamit na approach sa New Clark City International Airport kung saan kumikita ang pamahalaan sa pagbebenta ng development rights, pagpaparenta at sa iba pang bagong business activities.
Dagdag ni Salceda, aabot sa 625 ektarya ang NAIA na doble sa laki ng Bonifacio Global City (BGC).
Maaari aniyang bumuo ng masterplan para sa mga espasyo tulad ng in-city housing, parke, pampublikong transportasyon at iba pang public spaces.
Base sa pag-aaral na ginawa, ang redevelopment ay maaring magpasok ng P5.4 trillion na kita sa pamahalaan. CONDE BATAC