PAGSASAPUBLIKO SA 300 ‘AREAS OF CONCERN’ NAANTALA SA COMELEC

DAPAT sana ay naisapubliko na ng Commission on Election (COMELEC) nitong nakalipas na buwan ang talaan ng mga lugar sa buong bansa na itinuturing na mga “areas of concern” base sa isinumiteng listahan ng Philippine National Police (PNP).

Una nang ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III na naantala ang pagpapalabas ng listahan ng mga “areas of concern” ng COMELEC dahil masusing bineberipika pa ng poll body ang sitwasyon sa mga lugar na tinutukoy.

Base sa isinumiteng listahan ng PNP may 300 na posibleng “areas of concern” ngayong 2022 elections.

Ayon kay Undersecretary Densing III, ang election hotspots ay tinatawag na ngayong areas of concern.

Batay sa eskimang sinusunod ng PNP, inuuri ng pulisya ang mga lugar sa bansa sa apat na color-coded categories kung saan ang mga lugar na inilagay sa kulay “green” ay itinuturing na “generally peaceful” para sa pagsasagawa ng halalan.

Habang ang “yellow” areas ay may suspected election-related incidents sa nakalipas na dalawang eleksyon, may posibleng presensya ng armadong grupo at may matinding political rivalries.

Ang “orange” areas naman ay may naita­lang presensya ng armadong grupo gaya ng New People’s Army (NPA) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na maaaring maging hadlang sa eleksyon at tinuturing ang mga lugar na ito bilang areas of immediate concern.

Ang mga lugar na nasa red category ay parehong nakakatugon sa mga parameter ng yellow at orange at inilalagay din sa ilalim ng COMELEC control.

Aniya, ang pag­dedeklara ng areas of concern ng Comelec ay naantala dahil patuloy na bineberipika ng maigi ng poll body ang sitwasyon sa naturang mga lugar. VERLIN RUIZ