PINAYAGAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang hiling ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ipagpaliban ang pagsasara ng Tandang Sora flyover sa Commonwealth Avenue at intersection sa ilalim nito.
Sa halip na sa Pebrero 23, isasara ang naturang flyover at intersection ng alas-11:00 ng gabi ng Marso 2 para bigyang daan ang konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang anim na araw na postponement ay magbibigay ng sapat na oras para ipaalam sa iba’t ibang stakeholders ang nakatakdang pagsasara na makaaapekto sa 100,000 motoristang dumadaan sa Commonwealth Ave. at 3,000 motoristang gumagamit ng Tandang Sora intersection.
“Ngayong umaga ay sinimulan na ng mga kapitan ng mga barangay na ipagbigay-alam sa kanilang mga residente ang pagsasara ng flyover at intersection,” ani Garcia sa isang pulong balitaang ginanap sa tanggapan ng MMDA.
Dumalo rito sina Quezon City Second District Representative Winston Castelo at Quezon City Vice Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte.
Sinabi ni Garcia na binigyan din ng MMDA ng hanggang Linggo para alisin ang lahat ng obstructions kabilang na ang mga sasakyang ilegal na nakaparada at mga illegal vendor sa Luzon Avenue, Visayas Avenue, Congressional Avenue at iba pang alter-natibong ruta.
“Inutusan na natin ang Task Force Special Operations para i-clear ang mga lugar sa paligid ng Tandang Sora. Ipagbabawal ang pagparada ng sasakyan, terminals, at pagtitinda para magamit ang mga kalsada,” saad ng naturang opisyal.
Nagpapasalamat naman si Castelo sa mabilis na pag-aksiyon ng MMDA sa hiling ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, Metro Manila Development Committee ng Kamara, at ng publiko.
Kasama sa gagawing information campaign ang paglalagay ng signage ng U-turn slots at mga alternatibong daan para mabawasan ang inaasahang epekto sa trapiko na idudulot ng proyekto.
Ang mga motorista ay ida-divert sa dalawang temporary U-turns sa Microtel malapit sa UP Technohub at sa harap ng CW Home Depot.
Sinabi naman ni Belmonte na nakipag-ugnayan na ang mga apektadong barangay sa pribadong contractor na EEI Corporation at MMDA para sa pagsasagawa ng malawakang information drive.
“Magkakaroon ng pulong ang mga apektadong barangay sa kanilang stakeholders. Magde-deploy rin ng karagdagang traffic enforcers,” ani Belmonte.
Kahapon ay inihirit ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pansamantalang suspensiyon ng pag-sasara ng Tandang Sora flyover dahil sa mga reklamo ng ilang residente na hindi umano sila nakonsulta sa gagawing hakbangin. M FERNANDEZ
Comments are closed.