PAGSASARA NG TANDANG SORA FLYOVER TANGGAPIN ALANG-ALANG SA PROGRESO

Magkape Muna Tayo Ulit

KAHAPON ay nasubukan talaga ang pag-usad o daloy ng trapiko mula nang isinara ang Tandang Sora flyover. Ang nasabing pagsasara ay upang magbigay-daan sa konstruksiyon ng MRT7 sa Commonweatlh Ave­nue. Ang iskedyul ng pagbubukas ng MRT7 ay sa 2021. Na-delay ang plano ng operasyon nito dahil daw sa isyu ng mga right-of-way (ROW) sa mga may-ari ng mga pribadong lupain na tatamaan ng linya ng nasabing proyekto. Kung hindi ako nagkakamali, ang pagsasaayos ng ROW ay responsibilidad ng gobyerno at hindi sa gumagawa ng MRT7.

Maaga akong umalis kahapon sa aking bahay sa Fairview, umaasa na makaiiwas ako sa araw ng Lunes kung saan dagsa ang sasakyan pagsapit pa lamang ng alas-5 ng umaga. Ayon sa aking kakilala na nakatira sa may San Jose Del Monte, sila ay umaalis ng alas-4 ng madaling araw roon upang maiwasan ang trapik at mahabang biyahe papunta sa kanilang mga trabaho. Kaya pagsapit ng alas-5 hanggang ala-6, ang trapik ay nasa bandang Fairview na papunta sa EDSA o sa Quezon Blvd. ‘Yan po ang pawang katotohanan.

Kaya malaki ang inaasahan ng mga nakatira sa San Jose Del Monte City sa Bulacan, gayundin ang mga taga-Caloocan at kaming mga nakatira rito sa Fairview at Lagro sa Quezon City na magkakaroon ng malaking ginhawa ang daloy ng trapiko kapag natapos ang MRT7.

Handa kaming magtiis ng dalawa pang taon upang matapos at magamit ang nasabing proyekto. Hi­ling lang namin na ayusin na ng DPWH at DOTr ang isyu ng ROW upang hindi na madagdagan ang delay ng MRT7.

Matatandaan na no­ong 2017, nangako ang DOTr na matatapos ang MRT7 kapag sinimulan nila ito agad ng 2019. Nasa 2019 na po tayo. Ngayon naman ay sinasabi nila na 2021. Sana ay totoo na talaga ito. Itong pagsasara ng Tandang Sora flyover ay isang hamon muli sa aming pasensiya. Humihingi ako ng dagdag pasensiya at lamig ng ulo sa aking mga kakosang motorista at pasahero na apektado nito. Siguro ay mas agahan pa nating umalis ng bahay para makaiwas sa trapiko.

Mas maging maunawain tayo sa pagmamaneho at ipasok pa­lagi sa ating kaisipan ang disiplina sa pagmamaneho. Magbigayan tayo. Huwag maging barumbado sa pagmamaneho. Huwag palipat-lipat ng lane sa kalye.

Para naman sa mga nagmamaneho ng motorsiklo, huwag ninyong abusuhin ang pagiging maliit ng inyong sasakyan.

Panay ang singit ninyo kaliwa’t kanan na nagmimistula kayong mga lamok sa kalsada. Kahit saan ay pinapasukan ninyo. Lahat ng bawal sa batas trapiko ay nilalabag ninyo.  Kung sisitahin kayo, mayabang pa kayo na tama ang ginagawa ninyo.

Sasampa kayo sa sidewalk kapag trapik sa kalsada. Papasukan ninyo ang no U-Turn o kung may maliit na gewang sa gitna ng kalye maski bawal ang mag U-Turn. Nakapula pa ang ilaw ng traffic light ay aabante na kayo. At marami pang iba.

Para naman sa mga commuter, lumugar naman sana kayo sa mga tamang sakayan. Huwag na kayo pumunta sa kalsada sa hangad na makauna sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan. Ang resulta ay kinakain na ninyo ang mahigit na dalawang lanes ng Commonwealth Avenue na sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko!

Saludo ako sa MMDA at sa pakikipagtulungan ng Quezon City government sa pagsasara ng Tandang Sora fly­over. Ipagpatuloy lamang ninyo ang pagsita sa mga illegal vendor sa ilalim ng Tandang Sora Ave­nue. Ganoon din sa mga ilegal na terminal doon.

Sana lang ay ayusin ninyo ang daloy ng malaking U-Turn pa­puntang Tandang Sora. Ipagbawal ninyo ang pagbubusina ng sasakyan upang makauna lamang sila. Dito nagsisimula ang mabigat na trapiko.

Ang sabi ko nga. Tatanggapin namin ang pagsasara ng Tandang Sora alang-alang sa progreso. Magtulungan lamang tayo.

Comments are closed.