PAGSASAYA AT PAG-TATAMPISAW SABAYAN NG PAG-IINGAT NGAYONG TAG-ARAW

PAGSASAYA AT PAGTATAMPISAW

Masarap magtampisaw at magbabad sa araw. Ngunit  kadalasan ay nakaliligtaan na natin ang mga bagay na dapat nating gawin upang pangalagaan ang ating balat at katawan.

Sa init ng araw at nang panahon, mas gugustuhin nating mag­lublob sa dagat o sa pool para lang malamigan ang pakiramdam.

Pero paano nga ba natin mapapangalagaan ang ating balat para hindi tayo magkaroon ng problema pagkatapos nating magsaya?

MGA SAKIT NA MAAARING MAKUHA

Ang ‘food poisoning’ ang isa sa problema natin kapag tag-araw. Hindi lahat ng tahanan ay mayroong refrigerator at hindi rin naman sa lahat ng panahon ay maaari nating ilagay rito ang pagkaing nailuto natin.

Sa init ng panahon, nagbabago ang mga organism sa pagkain kaya’t mas madaling mapanis ang mga ito.

Ang ilang sintomas ng ‘food poisoning’ ay pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagsakit ng ulo o minsan ay pati na rin ang pagkakaroon ng lagnat.

Mas mabuting mag­luto lamang ng sapat para hindi masira at hindi maaksaya ang mga pagkain.

Isa rin sa maaaring makuhang sakit sa ganitong panahon ay ‘diarrhea’.

Sa pagligo sa mga swimming pool lalo na kung pampubliko ay maaari kang makainom ng tubig at may posibilidad na maging sanhi ito ng pananakit ng tiyan.

Ang pagbabad ng matagal sa pool ay nagdudulot din ng allergy o fungal infection.

Hindi natin nasisiguro kung madalas bang nalilinis ng may-ari ang kanilang pool para na rin sa kapakanan ng kanilang mga kostumer.

PARAAN UPANG MAKAIWAS SA SAKIT

Marami ang puwedeng gawin para maiwasan ang sakit gaya na lang ng mga sumusunod:

PAG-INOM NG MARAMING TUBIG. Ang pag-inom ng tubig ay hindi lamang nakatutulong sa ating katawan upang huwag tayong ma-dehydrate lalo na sa init ng panahon.Ang madalas na pag-inom ng tubig ay tumutulong din upang mapaganda ang inyong balat.

GUMAMIT NG SUNSCREEN. Kapag lumabas kayo sa arawan dapat siguraduhin niyong nakapaglagay kayo ng sunscreen o sun block para maiwasang magka-sunburn.

Sunding mabuti ang nakalagay na paraan ng paggamit at kung tuwing ilang oras ka maglalagay.

Maaari rin namang magsuot ng malaking sombrero o kaya naman ay magpayong.

Kung maaari namang maghintay, puwedeng palipasin muna ang panahong tirik na tirik ang araw mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.

MALIGO PAGKAAHON SA POOL. Pagkaahon sa pool dapat ay maligo kaagad at ilang ulit na magsabon para matanggal ang mga mikrobyong nakuha mula roon.

REGULAR DING MALIGO. Uso rin ang heat stroke o heat exhaustion tuwing tag-araw kaya’t mabuting regular kang maligo para malamigan ang iyong katawan lalo na sa mga may edad na dahil sila ang madalas nagiging biktima nito.

KUMAIN NG PRUTAS NA SWAK SA TAG-ARAW. May mga prutas ding maaari mong kainin tulad ng water melon, orange, buko at iba pang matutubig na prutas.

Maliban sa mga prutas, may mga gu-magawa rin ng smoo-thie o fruit shake para mapawi ang iyong pagkauhaw.

Hindi masamang magsaya tayo tuwing tag-init lalo pa’t ito ang hinihintay na­ting pagkakataon para mapuntahan natin ang magagandang beaches sa bansa. Ngunit isi­ping mas maganda kung sasabayan natin ito ng pag-iingat.

Pahalagahan natin ang ating kalusugan at kalusugan ng ating mga mahal sa buhay dahil walang pamilya ang mas magiging masaya sa pamilyang walang sakit. Hindi naman mahirap ang mga kailangang ga­wing pag-iingat kaya hindi ito magiging balakid sa ating pagsasaya ngayong summer. (food.ndtv.com)

Comments are closed.