PAGSAWATA SA PEKENG SIM CARD USERS TUNGKULIN NG GOBYERNO AT HINDI NG TELCOS

NOONG nakaraang linggo, napanood ko ang isang balita sa telebisyon tungkol sa umano’y paglusot sa pag-register ng SIM card kung saan larawan ng unggoy ang ginamit.

Dahil dito, tila ang Kongreso ay pinupuntirya ang telecommunication companies na Globe, Smart at Dito kung bakit nangyayari ito sa batas tungkol sa mandatory SIM card registration. Ang diwa ng nasabing batas ay upang linisin ang mga may tangan na SIM card na ginagamit sa mga ilegal na gawain.

Subalit ako naman ay nagtataka, kung bakit ang telcos ang napagbubuntunan ng pagkakamali dito samantalang sumusunod lamang sila sa nasabing bagong batas ng ating bansa. Dagdag pa rito, ang Department of Information and Communications Technology ang dapat na punong abala rito upang siguraduhin na ang mga proseso at pamamaraan ay sumusunod sa diwa ng nasabing batas.

Ang tatlong telecommunications company ay sumusunod lamang sa mga alituntunin, ayon sa DICT. Eh bakit tila sila ang may kasalanan?

Kaya naman may nagsabi na imbes na limitahan ang pagbigay ng SIM card upang umano’y matigil ang mga ilegal na gawain sa paggamit ng cellphone, dapat daw ay maghanap ang gobyerno ng pamamaraan kung paano masawata ang mga gamit o device na ginagamit sa mga ilegal na aktibidad.

Handa naman ang mga telecommunication company na makipagtulungan sa gobyerno tungkol dito tulad ng text scams at cyberthreats.

“We need to dive deeper into how criminals operate and bring to light the entire cyber scam ecosystem. Instead of obsessing over or focusing on certain parts, all stakeholders should work together on a holistic solution,” ang opinyon ni Smart vice president and head of regulatory affairs Roy Ibay.

Ang National Bureau of Investigation (NBI) ay naglabas ng pahayag na nakalulusot ang paggamit ng pekeng ID para makapag-register ng kanilang SIM card.

Batay sa SIM Registration Act, ang indibidwal na may sala sa paggamit ng fictitious or fraudulent IDs upang makapag-register ay maaaring patawan ng anim buwan hanggang dalawang taon na pagkabilanggo at pagmumulta ng mula P100,000 hanggang P300,000.

Ngunit ang kasagutan ng DICT upang masolusyunan ang problemang ito ay paglimita sa pag-aaari ng SIM card ng bawat tao. Ha?!

Parang hindi yata ito ang wastong solusyon. Hindi mo dapat pigilan ang kalayaan ng isang indibidwal sa pag-aari ng isang bagay. Ang mas mahalaga ay higpitan ang pamamaraan ng pag-register at mariin at mabagsik na implementasyon ng batas.

Ito ang problema sa ating bansa. Huwag na tayo lumayo. Sa pagrehistro ng mga sasakyan at pagpapatupad ng ating mga batas trapiko, marami ang lumalabag at walang hinuhuli.

Dapat ay upuan ito ng DICT, National Telecommunications Commission at ng Globe, Smart at Dito upang pagtibayin ang nasabing batas para matakot ang mga masasamang loob na makalusot sa pag-register ng mga pekeng SIM card.