BULACAN– SINALUBONG ng bomb threat ang pagsisilbi sana ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa desisyon ng Korte Suprema sa pagbabalik sa puwesto ni Mayor Alfredo Germar makalipas ang halos dalawang taon mula ng ma-suspinde sa kasong grave misconduct ng Office of the Ombudsman.
Mismong si DILG Provincial Director Darwin David ang nagdala ng order o desisyon sa tanggapan ni OIC Mayor Geronimo Cristobal.
Base sa dokumentong inilabas ng Supreme Court, valid ang pagtanggap ni Germar ng Consultant dahil aprubado ng Sangguniang Bayan at ng badyet.
Matatandaang una nang nagdesisyon ang Office of the Ombudsman na suspendihin si Germar noong Agosto 10, 2015 dahil umano sa isyu ng ilegal na pagkuha ng anim na Consultant na anila’y paglabag umano sa grave misconduct na inihain noon ni Vice Mayor Arthur Legaspi.
Subalit umapila si Germar sa Kataastaasang Hukuman kung saan kinatigan ang motion for reconsideration na muling pag-aralan ang kaso.
Agad namang tinanggap ni OIC Mayor Cristobal ang desisyon at mapayapang nilisan ang tanggapan ng Punong-Bayan.
Samantala inatasan naman ni David si Cristobal na ibalik o i-turn over ang lahat ng dokumento mga sasakyan na gamit ng munisipyo. THONY ARCENAL
Comments are closed.