PAG-UUSAPAN ng Commission on Elections (Comelec), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) ang mga mekanismo kung paano makapagsilbi sa kanilang mga nasasakupan ang person deprived of liberty (PDLs) na nanalo sa mga posisyon sa barangay.
Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, mag-uusap-usap ang DILG at Comelec pati na rin ang DOJ dahil under nito ang Bureau of Corrections.
Kabilang sa mga bagay na tatalakayin ay kung paano maaaring makipag-ugnayan ang mga PDL sa kanilang mga nasasakupan.
Gayundin sa kanilang mga kapwa opisyal ng barangay kung isasaalang-alang na sila ay ipinagbabawal na gumamit ng mga mobile phone at iba pang electronic gadgets sa loob ng mga pasilidad ng kulungan.
Bagaman may mga naunang kaso kung saan nakakulong ang mga nahalal na opisyal, ipinaliwanag ni Laudiangco na iba ang kaso ng mga PDL na nanalo sa mga posisyon sa barangay.
Nauna rito, sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na pinapayagang mahalal ang mga PDL hangga’t walang pinal na conviction mula sa mga korte. EVELYN GARCIA