PAGSUGPO SA HIV/AIDS PINALAKAS NI DUTERTE

HIV

NILAGDAAN  na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Philippine HIV and AIDS Policy Act of 2018 na naglalaman ng polisiya sa pagsupo sa pagdami ng  mga kaso ng  nasabing sakit.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na napapanahon ang pagkakapasa ng nasabing panukala kasunod ng ulat ng Department of Health (DOH) na Filipinas ang may pinakamataas na pagdami ng kaso ng HIV sa Asia-Pacific region mula 2010 hanggang 2016.

Inamyendahan ng bagong batas ang Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998 dahil kailangang baguhin ang estratehiya kaugnay sa problema sa pagdami ng mga nahahawa ng HIV/AIDS sa Filipinas.

Layunin din nito na mapalawak ang saklaw ng pagbibigay ng impormasyon kung paanong maiiwasan ang nakahahawang sakit gayundin, ang pagtulong sa mga nahawa nito.

Nagpapahintulot na rin ito ng pagsusuri sa HIV ng isang menor de edad  nang wala nang pahintulot sa mga magulang  o guardian.

Pinuri  ni Panelo ang  iba’t ibang stakeholders na nakapagbigay ng kontribusyon sa pagkakapasa ng isang legal framework sa pagtugon sa problema sa HIV at AIDS.

“We consider its enactment and signing timely and relevant on account of the report of the Department of Health disclosing that our country has the highest percentage relative to the  increase of new HIV cases in the Asia-Pacific region from 2010 to 2016. We laud our lawmakers including various stakeholders who immensely contributed to the passage of an updated legal framework addressing HIV and AIDS. This piece of landmark legislation will significantly reduce the stigma of people living with HIV or AIDS,” ani Sec. Panelo.

Sa tala ng DOH, na­dagdagan ng 8,533 ang bilang ng mga nahawaan ng HIV sa bansa sa pagitan  lamang ng Enero hanggang Setyembre ng nakalipas na taon.

Nangangahulugan ito na mayroong 32 bagong mga kaso ng HIV infection ang naitatala sa bansa araw-araw na kapag hindi naagapan ay nauuwi sa AIDS ang nasabing impeksiyon  hanggang  sa kamatayan.                          PILIPINO MIRROR News Team