HINDI direktang kinumpirma o itinanggi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kusang sumuko si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippine (ISAFP).
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, “The Armed Forces of the Philippines (AFP) has been in full support of the Philippine National Police (PNP) from the onset of the operation related to the case of Mr. Apollo Quiboloy.” Our role in this matter has been purely in support of the PNP’s efforts in serving the warrant. As this is primarily a police operation, we defer to the PNP to provide the details and updates on the situation. The AFP remains committed to assisting our law enforcement agencies in maintaining peace and order whenever necessary.”
Kasunod ng pagkalat ng balitang nadakip na si Quiboloy ay lumutang din sa social media na inihayag umano ni Eastern Mindanao Commander Lt. General Luis Bergante na sumuko si Pastor Apollo Quiboloy sa ISAFP sa loob ng Kingdom of Jesus Christ.
Subalit, itinanggi ng tagapagsalita ng EASTMINCOM na si LtGen. Bergante ang nagsabi nito.
Sa isang panayam kay SILG Benhur Abalos, sinabi nitong kahit kanino sumuko si Quiboloy ay mga pulis pa rin ang nagtrabaho at dapat na bigyang pagkilala.
Inihayag din ni PNP Police Region Office 11 Director BGen Nicolas Torre III sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Crame na formality na lamang ang sinasabing pagsuko dahil napapalibutan na siya at hindi naman siya sumuko sa ibang lugar kung hindi sa loob din ng KOJC Compound.
Kinumpirma rin ni Torre na nagbaba sila ng ultimatum para lumabas si Quiboloy at kung hindi ay isasagawa na ang pagsalakay sa pinagtataguang gusali ng puganteng leader ng KOJC.
Samantala, inihayag ng Malakanyang na wala pang plano na ma extradite sa United States ang nahuling pastor.
Sinasabing kailangan munang harapin ni Quiboloy ang mga kaso nito sa Pilipinas bago ipadala sa Estados Unidos.
Sa ambush interview kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos mahuli ang puganteng pastor ay inihayag nito na wala pang extradition request mula sa Amerika para sa kustodiya ni Quiboloy.
Si Quiboloy ay nadakip matapos ang 16 na araw law enforcement operation ng PNP at militar sa KOJC compound.
Kasalukuyan din may kinakaharap na kaso sa Amerika ang KOJC leader dahil sa kasong human trafficking at child abuse.
Dahil dito, nakalagay din si Quiboloy sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Samantala inihayag naman ng legal counsel ni Quiboloy na nagdesisyon itong sumuko sa mga pulis at militar upang matigil na ang “lawless violence” sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound.
“Pastor Apollo C. Quiboloy decided to surrender to the PNP/AFP because he does not want the lawless violence to continue to happen in the KOJC Compound,” pahayag ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon.
Inihayag din ng abogado na sumuko si Quiboloy sa mga awtoridad sa mga government official, military at police personnel sa pangunguna nina Davao del Norte Governor Edwin Jubahib, Army Major General Allan Hambala, Colonel Guilbert Roy Ruiz , Lieutenant Colonel Jovily Carmel Cabading, Lieutenant Colonel Pete Malaluan, Lieutenant Colonel Ricardo “Ray” Garcia; Police Brigadier General Romeo Macapaz; Police Major General Benjamin Silo Jr.
VERLIN RUIZ