GINANAP na kamakailan ang 10th Philippine Electric Vehicle Summit (PEVS) sa SMX Convention Center sa lungsod ng Maynila. Ito ang pinakamalaking pagtitipon at eksibisyon patungkol sa Electric Vehicles (EV) sa bansa. Gaya ng inaasahan, naging kapana-panabik ang mga kaganapan sa nasabing pagtitipon.
Matapos ang dalawang taon na pagdaraos nito online dahil sa pandemyang COVID-19, sa wakas ay muling ginawang pisikal ang pagtitipon na ito. Muli ay nagsama-sama ang mga stakeholder, mga mambabatas, mga regulator, mga miyembro ng akademya, mga kompanya sa industriya ng transportasyon, mga power utility, at mga konsyumer upang talakayin ang papel ng EV sa hinaharap ng industriya ng transportasyon.
Ang EV Summit na ito ay idinaos sa pagtutulungan ng Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) at Manila Electric Company (MERALCO) katuwang ang Department of Energy (DOE) at Nissan Philippines Inc. Ngayong taon, ang sentro ng talakayan ay ang kahandaan ng bansa sa paggamit ng EV at ang paggawa ng mga imprastrakturang susuporta sa paggamit nito gaya ng mga charging station.
Sa pambungad na pananalita ni Meralco Chief Sustainability Officer at eSakay President at CEO Raymond B. Ravelo, ipinahayag nya ang kanyang kagalakan sa paglaki ng industriya mula nang ginanap ito sa unang pagkakataon noong 2010 sa Meralco kung saan nasa humigit kumulang 390 katao lamang ang dumalo. Nang ginanap ito noong 2019, bago magkaroon ng pandemya, tumaas sa halos 1,400 ang bilang ng dumalo rito – isang patunay na talagang dumarami na rin ang tumatangkilik at nagkakaroon ng kaalaman ukol sa mga EV.
Binigyang-diin din ni Ravelo ang mga naging pagbabago sa teknolohiya sa nakalipas na 10 taon. Nang unang inilunsad ang EV sa bansa, wala itong sapat na kapasidad para tumakbo ng 100 kilometro kahit puno ang charge nito. Literal na napakalayo na ng narating ng teknolohiya ng EV sa kasalukuyan. Kaya na nitong bumiyahe ng 800 kilometro gamit ang isang punong charge. Bilang halimbawa, sinabi ni Ravelo na ang layong ito ay katumbas ng biyahe mula sa SMX papunta sa Banaue at pabalik.
Binalikan din niya ang mga naging mahahalagang pagbabago sa polisiya at batas ukol sa EV. Nang ipinatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o mas kinilala sa tawag na “TRAIN” Law, hindi isinama ang EV sa papatawan ng excise tax. Tatlong taon matapos ito, inilabas ng Land Transportation Office (LTO) ang Administrative Order 2021-39 na naglalaman ng detalyadong mga alituntunin sa pagrehistro ng EV. Sumailalim din ang EV bill sa samu’t saring deliberasyon mula 2010 na siyang nagbigay-daan sa pagpasa ng Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA.
Sa kahit anong batas, napakahalaga ang pagkakaroon ng implementing rules and regulations o IRR. Malinaw ang IRR ng EVIDA dahil malinaw na inilatag nito ang iba ang mga programa na magsusulong sa EV sa bansa. Bunsod ng mga pagbabagong ito sa polisiya at batas na may kaugnayan sa EV sa nakaraang 10 taon, matindi ang kumpiyansa ni Ravelo na magiging mas maganda ang takbo ng industriya sa susunod na dekada.
Upang masigurong magiging produktibo ang takbo ng industriya, mahalaga ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor. Bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, batid ng Meralco ang kahalagahan ng papel na gagampanan nito.
Bilang suporta sa pagsusulong ng EV sa bansa, inilunsad at mas pinalawig pa ng Meralco ang Green Mobility Program nito. Isa sa mga pangunahing inisyatiba ng kumpanya sa ilalim ng programa ang gawing EV ang mga sasakyang ginagamit nito sa paghahatid ng serbisyo. Sa kasalukuyan, nasa 128 na EV ang ginagamit sa iba’t ibang opisina. Sa pagtatapos ng dekadang ito, target ng Meralco na gawing EV ang 25% ng mga sasakyan nito.
Upang suportahan ang programa nito, nagtayo rin ang Meralco ng mga charging station upang masiguro na may sapat na pasilidad kung saan maaaring mag-charge ang mga EV nito. Sa kasalukuyan, ang kumpanya ay may limang fast-charging station at inaasahang dodoble pa ito sa susunod na tatlong buwan.
Kasama rin sa plano ng kompanya ang pagtatayo ng vehicle-to-home bidirectional charging station sa loob ng Meralco Headquarters sa Ortigas kung saan ipapakita kung paano pwedeng gamitin ng mga customer ang kanilang EV sa pag-supply ng koryente sa mga gamit nito sa bahay. Sa madaling salita, ipakikita kung paano maaaring gawing parang powerbank o generator ang EV. Napakalaking bagay ng teknolohiyang ito para sa bansang gaya ng Pilipinas na dinaraanan ng maraming bagyo kada taon. Ilan lamang ito sa mga bagong teknolohiyang sinusuri at pinag-aaralan ng Meralco kaugnay ang EV.
Isa sa mga mahahalagang aspeto na nagbigay-daan sa pagsasakatuparan ng Green Mobility program ng Meralco ang pagkakaroon ng katuwang na kumpanya na may kapasidad at sapat na kadalubhasaan ukol sa teknolohiyang ito. Ang kumpanyang ito ay ang eSakay, ang green mobility arm ng Meralco, na siyang katulong ng kumpanya sa lahat ng kritikal na aspeto ng programa gaya ng design, planning, at implementasyon ng programa. eSakay din ang nangangasiwa sa maintenance ng mga EV ng Meralco.
Mula nang itayo ang eSakay noong 2018, nasa 230 na EV na at 100 na imprastraktura para sa charging ng EV ang nagawa ng kompanya para sa iba’t ibang mga pampubliko at pribadong institusyon sa bansa. Ang pagtutulungang ito sa pagitan ng Meralco at eSakay ay bahagi lamang ng mga inisyatibang ginagawa ng iba’t ibang miyembro ng industriya na nagsusulong din sa EV.
Bunsod ng lahat ng magagandang pagbabagong ito ukol sa EV, ako ay naniniwala na nasa tamang direksyon ang ating industriya ng transportasyon. Napapanahon ang paggamit ng mga modernong tekonolohiyang makatutulong hindi lamang sa industriya kundi pati sa pangangalaga sa kapaligiran at sa kalikasan. Nakagagaan ng kaloobang malaman at makita na buo ang suporta ng pamahalaan sa industriyang ng transportasyon dahil ito ay mahalaga upang patuloy ang pagsulong patungo sa pangkalahatang pag-unlad.