PAGSULPOT NG ‘MAGIC MUSHROOMS’ BUBUSISIIN

MAgic Mushroom

NAALARMA si Senador Win Gatchalian na may mga mag-aaral na isinugod sa ospital nitong nakaraang dalawang linggo matapos gumamit ng mga ‘magic mushrooms’ na ginagawang alternatibo sa ilegal na droga.

Ayon sa senador, lalong kailangang palakasin ng Department of Education ang drug prevention program nito at mahigpit na pagsubaybay upang hindi malulong ang mga kabataan sa mga ipinagbabawal na gamot.

Iniulat ni DepEd Secretary Leonor Briones na may mga mag-aaral na gumagamit ng mga kabuteng ito dahil madali itong makita sa mga kanayunan. Ayon pa sa kalihim, ­maaaring mas mapanganib pa ang mga ito dahil hindi ito deklaradong ilegal sa merkado kaya kahit na sino ay puwedeng bumili o makakuha nito.

“Nakakabahala itong ibinahagi ng DepEd sa pagkakasakit ng mga bata dahil sa magic mushrooms. Pero ma­rami rin tayong dapat malaman — gaano na karami ang naiulat na ganitong uri ng insidente? Paano natuklasan ito ng mga mag-aaral? Saan ito laganap? At ano-ano ang naging mga epekto nito sa ating mag-aaral?” ani Gatchalian.

“Kung alam natin ang mga detalyeng ito, mas madali para sa ating mag-isip at magpatupad ng mga solusyon para masiguro ang kaligtasan ng kabataan,” dagdag ng senador.

Ang mga kabuteng ito ay may taglay na psilocybin na kabilang sa Schedule I ng United Nations Convention on Psychotropic Substances noong 1971. Ibig sabihin, ito ay hindi gina­gamit na pang gamot at may mataas na posibilidad na maabuso nang gumagamit. Kabilang sa mga epekto ng psilocybin ang panghihina, pagiging maantukin at hindi kontroladong paggalaw. May panganib din itong taglay tulad ng pagkalason.

Sa kabila ng mga panganib na ito, may mga pag-aaral na nagsasabing ang mga magic mushrooms ay maaaring ga­wing lunas sa pagkabalisa o anxiety at depresyon. Ayon sa Global Drug Survey 2019 na nakakuha ng datos mula sa 120,000 katao sa 30 bansa, wala pang isang porsiyento ng mga lumahok ang hu­mingi ng tulong medikal matapos gumamit ng magic mushrooms.

“Ang mahalaga sa puntong ito ay maprotektahan natin ang kabataan mula sa panganib na maaaring idulot ng mga magic mushrooms na ito. Ngayong sinusuri ng DepEd ang kanilang preventive education program, mahalagang masuri kung paano ba ito tatalakayin sa mas mabisang paraan para manatiling ligtas ang ating mga mag-aaral,” ayon kay Gatchalian.

Si Gatchalian ang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. VICKY CERVALES

Comments are closed.