PINAALALAHANAN kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidatong lumahok sa midterm polls noong Mayo 13 na hanggang bukas, Hunyo 13, na lamang ang deadline sa pagsusumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
“The Commission on Elections reminds all candidates and electoral parties who participated in the 2019 National and Local Elections to file their Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) on or before June 13, 2019,” anang poll body.
Nabatid na dapat sana ay ngayong araw, Hunyo 12, ang deadline sa paghahain ng SOCE, o isang buwan matapos ang eleksiyon, ngunit dahil natapat ito sa Independence Day na isang regular holiday sa bansa, ay nagpasya ang Comelec na palawigin ang deadline nito hanggang Hunyo 13.
“Pursuant to Republic Act No. 7166, all persons who filed a certificate of candidacy (COC) and all electoral parties shall file a true and correct SOCE within 30 days from Election Day. However, in view of the initial June 12, 2019 deadline for the 2019 NLE falling on a holiday, the deadline has been extended to June 13, 2019,” anang poll body.
Alinsunod sa Republic Act No. 7166, lahat ng taong nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) at lahat ng electoral parties ay dapat na magsumite ng ‘true and correct SOCE’ nila, sa loob ng 30 araw matapos ang halalan na idinaos noong Mayo 13.
Ayon sa Comelec, nanalo man o natalo ang isang kandidato sa halalan ay dapat na magsumite ng SOCE ang mga ito.
Kailangang idetalye ng mga kandidato sa kanilang SOCE ang tinanggap nilang mga donasyon at kontribusyon, gayundin ang mga ginastos nila sa pangangampanya para sa nilahukang eleksiyon.
“Filing of SOCE is required even for candidates who (1) were not elected; (2) are self-funded; (3) did not incur any expenses; (4) did not pursue or continue the campaign; and (5) withdrew their candidacies unless the withdrawal was done prior the start of the campaign period,” anang poll body.
Muli rin namang nagbabala ang Comelec na ang ang pagkabigong magsumite ng SOCE ay may katapat na administrative sanctions laban sa kandidato at sa electoral parties.
Mas matindi naman ang sanction laban sa nanalong kandidato na mabibigong magsumite ng SOCE dahil ito hindi papayagang makaupo sa puwesto sa Hulyo 1, at papatawan pa ng kaukulang multa habang may kaukulang multa rin naman at parusa ang mga natalong kandidato na hindi rin magsusumite ng kanilang SOCE sa poll body at hindi na muli pang papayagang kumandidato.
Ayon sa Comelec, ang mga nanalong kandidato ay maaari namang magsumite ng SOCE sa loob ng anim na buwan mula sa petsa matapos ang proklamasyon nito.
Gayunman, habang hindi pa nakapagsusumite ng SOCE ay hindi muna ito maaaring maupo sa puwesto, alinsunod sa RA 7166.
“Late filing of SOCE may still be subject to administrative penalty for late filing,” babala pa ng Comelec. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.