PAGSUNOD SA ETHICAL STANDARD NG PUBLIC SERVANT IPINAALALA

NAPAKAHALAGA  ng pagsunod sa ethical standards ng lahat ng public servants o mga naglilingkod sa gobyerno.

Nagpaalala si Senador Win Gatchalian matapos ang isang insidente sa budget deliberations ng Senado na kung saan ay isang opisyal mula sa Apo Production Unit ang umano’y nakitang umiinom ng alak habang dumadalo ng virtual session noong nakaraang Lunes.

Kasong administratibo at pagdidisiplina naman ang posibleng ipataw sa mga lingkod bayan na hindi sumusunod sa ethical standards na itinakda ng gobyerno.

Ang Apo Unit Production ay nasa ilalim ng pamamahala ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Gatchalian, mahigpit ang tagubilin ng Civil Service Commission sa pagbabawal sa pag-inom ng mga empleyado ng gobyerno sa opisina.

Dagdag pa nito na ang pagiging propesyonal ay isa sa walong pamantayan ng pag-uugali na dapat ipinapamalas ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Ayon sa senador ay suspensiyon o pagkakatanggal sa sebisyo ang maaaring kaparusahan sa mga lumalabag sa ethical standards ng pamahalaan.

Kasunod naman ng insidente ay nagpalabas na si PCOO Secretary Martin Andanar ng show cause order laban sa sales and marketing manager ng Apo Production Unit na si Dominic Tajon.

Ayon kay Andanar, hindi nito palalampasin ang naging insidente lalo pa’t kung lalabas sa kanilang imbestigasyon na talagang uminom ito ng alak sa sesyon gaya ng inireport ng Senate Sgt of Arms sa mga senador.

Nagbigay na rin ng kaniyang panig si Tajon at itinanggi na alak ang iniinom nito kundi soda lamang.