MASUSING pinag-aaralan ni Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ng dalawang kapulungan ng Kongreso, kung anong paraan ang dapat gawin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sa gitna ng umiigting na tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia na labis ikinabahala ng United States of America.
Ang dibdibang pagkilos ng Malacanang at ng Kongrreso ay naglalayong pansamantalang suspindehin ang implementasyon ng excise tax at value added tax sa mga piling produkto para mabigyan ng pansamantalang kaluwagan ang mga mamimili sa gitna ng tumataas na presyo ng langis na siyang ugat ng pagtaas naman ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Maaari lamang mangyari ang lunas sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pamamagitan ng isang panukalang batas na may mekanismo na magpapahintulot sa gobyerno na pansamantalang suspindehin ang pagpapataw ng buwis sa naturang mga produkto.
Upang mapababa ang presyo ng petrolyo, pagkain at serbisyo, naging sentro tuloy ng pag-iingay ngayong political season sa mga political-rally nina presidential aspirants Manila Mayor Isko Moreno at Vice President Leni Robredo ang panawagan sa Duterte government na suspindehin ang pagpapataw ng VAT at excise taxes sa pretrolium products.
Bakit hindi na lang i-regulate ng gobyerno ang presyo ng langis? Ano ba ang excise tax, ano ba ang VAT at magkano ang halaga nitong ipinapataw sa mga produktong petrolyo?
Puwede ba itong maging sanhi ng tuluyang pagbagsak ng tax collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureaui of Customs (BOC) kung sususpindehin?
Ang dahilan ba nito ay matapos lagdaan ni former President Fidel Ramos noong 1998 ang Republic Act 8749 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 na inalis ang kontrol ng gobyerno sa pagpepresyo ng mga produktong petrolyo at sa halip ay pinahintulutan ang merkado na magdikta ng mga presyo?
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo nito ay dahil sa biglaang pagsirit ng demand sa pandaigdigang merkado na bunsod ng muling pagbubukas ng ekonomiya at ng umiiral na krisis sa Ukcraine at Russia.
Ang dalawang ministro ng Russia at ang katapat nitong US ay nagsagawa ng tinatawag nilang ‘prangka’ na pag-uusap upang bawasan ang pagkakataon ng isang mas malawak na labanan sa Ukraine.
Kinokontrrol ng mga rebeldeng pro-Russia ang malaking bahagi ng Silangang Ukraine simula nang sumiklab ang isang mabangis na digmaan, halos walong taon na ang nakararaan.
Ang US at mga kaalyado nito ay nagpataw na ng parusa sa ginawang pagkilos ng military ng Russia sa Ukraine.
Halos 9,000 kilometro ang layo ng bansang Ukcraine sa Pilipinas pero ang epekto ng mga pananakop sa kanila ng Russia ay ramdam ng maraming Pilipino.
Daang-daang overseas Filipino workers ang kasalukuyang nakatira at nagtatrabaho sa Ukraine na bahagi ng halos 2.2 milyong Pinoy na kumakayod sa ibayong dagat.
Sa pagtaya ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), aabot sa 380 manggagawang Pilipino ang nasa Ukraine at ito ay batay sa record ng gobyerno.
Dahil sa walang humpay na pagtataas sa presyo ng petrolyo, nakadagdag pa ito sa dinaranas na kahirapan sa bansa na dulot ng pandemyang COVID-19 na siyang sanhi ng pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.
vvv
(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag- email sa [email protected].