MAAAPEKTUHAN nang malaki ang tax collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa sandaling suspendihin ng Kongreso ang ipinatutupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ayon kay BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay, maaapektuhan din ang ‘Build Build Build’ program ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng BIR chief na ang plano ng ilang mambabatas na suspendihin ang implementasyon ng TRAIN law ay posible ring maging dahilan ng pagbagsak ng koleksiyon ng BIR at ng Bureau of Customs (BOC).
Ang planong suspensiyon ng TRAIN law ay bunsod umano ng naramdamang paghihirap ng mamamayan sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kamakailan ay nagbunyi ang economic managers ni Pangulong Duterte nang makalasap ng malaking tax collections ang BIR, maging ang BOC, dahil sa implementasyon ng TRAIN law.
Labis ding ikinabahala ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III ang plano ng Kongreso na itigil muna ang pagpapatupad ng TRAIN law.
Bunsod ng implementasyon ng TRAIN law, sinabi ni Dulay na nagpamalas ng kasipagan sina Metro Manila BIR Regional Directors Marina De Guzman (Quezon City), Romulo Aguila, Jr. (City of Manila), Glen Geraldino (Makati City) at Manuel Mapoy (Caloocan City) at naging aktibo sa sunod-sunod na seminars at tax forums na idinaos sa iba’t ibang dako ng bansa.
Ibinida pa ni Commissioner Billy na labis na nasiyahan ang Malacañang sa tax collection performance ng BIR kung saan tumaas ang excise tax collections ng kawanihan sa unang buwan pa lamang ng 2018 o noong Enero na siya ring unang buwan ng pagpapatupad ng TRAIN law.
Umakyat ang koleksiyon ng BIR ng halos 82 percent kumpara sa mga nakaraang taxable year at ito ay dahil sa implementasyon ng TRAIN law, kung saan nakakuha ng karagdagang buwis ang kawanihan sa sigarilyo, sasakyan at sugar sweetened beverages.
Malaki ang kumpiyansa nina Commissioner Billy at newly-installed BIR Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa na magtutuloy-tuloy ang gumagandang tax collections performance ng BIR .
Kagulat-gulat, anila, na sa isang iglap ay nagresulta ito sa tinatayang P22.078 bilyong koleksiyon sa excise tax noong Enero.
Mas mataas umano ito sa P20.501-B collection target ng BIR.
Sinabi rin ng mga opisyal ng BIR na tumaas din ng hanggang 30 percent ang pondo mula sa TRAIN na mailalaan sa Conditional Cash Transfer Program ng gobyerno para sa mga maralita.
oOo
Para sa mga komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.