SA pangunguna ng administrasyong Marcos, ang Pilipinas ay masigla at puspusang nakikibahagi sa makulay na larangan ng turismo sa Asya.
Ito ay bunga ng maingat na pagpaplano at malasakit ng pamahalaan sa pagpapalago ng sektor ng turismo sa bansa.
Kamakailan lamang, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsang-ayon sa National Tourism Development Plan 2023-2028 na siyang magiging gabay at plano para sa industriya ng turismo.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), isa itong hakbang na naglalayong gawing tourism powerhouse sa Asya ang bansa.
Sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT), iniulat na ang taong 2023 ay nagtala ng higit sa P5 milyong international visitor arrivals, isang tagumpay na nagpapakita ng pambansang kakayahan na kumita at magbigay-silbi sa pandaigdigang komunidad.
Ang makabuluhang paglago na ito ay nagbunga ng higit sa ₱480 bilyong kita.
Ang pag-usbong ng Pilipinas bilang tourism powerhouse ay isang matibay na pundasyon para sa pangmatagalang pag-unlad. Sa pagtutulungan ng pamahalaan, sektor ng turismo, at mamamayan, maaaring marating ang mas mataas na antas ng tagumpay sa nasabing industriya.
Samantala, isang mahalagang bahagi ng pagtutok ni House Speaker Martin Romualdez ay ang pagmamalasakit sa mga jeepney drivers na itinuturing niyang integral sa proseso ng modernisasyon.
Sa pagtutok sa kapakanan ng mga manggagawa, tinukoy niya na ang jeepney ay hindi lamang isang sasakyan kundi isang simbolo ng kultura at diwa ng bansa.
Kaya sa pagpaplano at implementasyon ng Jeepney Modernization Program, mahalaga na hindi malilimutan ang kanilang kabuhayan at karapatan.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na repasuhin ng Department of Transportation (DOTr) ang programa at palawigin ang panahon ng implementasyon nito.
Inilahad niya ang pangangailangan na ituring ang mga jeepney drivers bilang mga katuwang sa pag-usbong ng bansa patungo sa mas moderno at maunlad na sistema ng transportasyon.
Hindi lamang ito, kundi ipinahayag din ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na maglaan ng tulong para sa mga jeepney drivers habang sila ay nasa transition period.
Ang pagsuporta sa kanilang pangangailangan at ang pagtuklas ng mga alternatibong solusyon ay pagpapakita ng tapat na paglilingkod sa bayan.