PAGSUSULONG SA CHA-CHA PAG-ATAKE SA CHECKS AND BALANCE

ANG isinusulong na people’s initiative para sa pagbabago ng Saligang Batas ay itinuturing na pag-atake sa checks and balance at bicameralism.

Ito ang deklarasyon ni Sen Jinggoy Estrada na nag-deliver ng kaniyang privilege speech hinggil dito.

Sinabi ni Estrada na ang pagkilos upang pag-isahin ang 24 na senador at mahigit 300 na mga congressmen ay walang ibang layunin kundi sirain ang ating demokrasya na tumatalima sa prinsipyo ng Bicameralism at Checks and Balance upang maiwasan ang pang-aabuso ng Kongreso.

Ito ay matapos aminin ng lead convenor ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action o PIRMA na si Noel Oñate, na ang pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng P-I ay voting jointly na maliwanag umanong may layuning buwagin ang Senado.

Giit ni Estrada, insulto ito hindilang sa Senado bilang institusyon kundi pati na sa mga taong nagbigay ng tiwala sa kanila kaya’t dapat lamang itong tutulan.

Para naman kay Sen. Pia Cayetano, simula noong 1935 Constitution ay voting separately lagi dahil bicameral ang sistema ng ating Kongreso.

Sabi niya, hindi tama na ang Senado bilang co-equal branch ng Kongreso ay may mahalagang papel sa mga local bills ngunit balewala pagdating sa Charter Change.

Kung susundin ang nais umanong mangyari ng mga congressmen ay madali lang sagasaan ng mahigit na 300 miyembro ng Kamara de Representantes ang 24 lamang na mga senador.

Una rito ay naglabas ng manifesto ang Senado ng pirmado ng lahat ng 24 na senador na kumokondena sa P-I bilang paraan ng Cha-cha.