PAGSUSULONG SA TAX REFORM PINUNA

IMEE MARCOS

BAD timing at hindi makatwiran  ang nais ni  National Economic and Development Authority (NEDA) acting Secretary Karl Kendrick Chua na ituloy ang pagsusulong ng tax reform measures kahit may COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senadora Imee Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, kapag ganitong may krisis  dapat ay may tax relief o pagluluwag at  paglilibre sa buwis sa halip na dagdagan.

Nauna nang sinabi ni Chua na matapos ang COVID-19 lockdown ay kailangang isulong ang nabiting tax reform measures para maisaayos ang kumplikado, hindi patas at hindi maayos na pagkolekta ng buwis para magkaroon ng dagdag na kita ang gobyerno.

Sa ganitong paraan,  hindi umano palaging uutang ang gobyerno ng pantulong sa mga nagigipit nitong pandemic.

Sa ilalim ng tax reform na nabitin sa Kongreso  dahil sa pandemic ay babawasan ang income tax ng mga korporasyon subalit babawiin ito sa pagtatapyas o pagpapatigil ng kanilang mga tax incentives.

Iginiit ni Marcos,  para hindi mabaon sa utang ang bansa ay dapat ikonsidera ng Malakanyang ang mungkahi na humingi ng debt moratorium o makiusap sa mga bansa at financial  institutions para hindi muna pagbayarin ang Filipinas sa mga interes ng utang nito.

Sinabi pa ng senadora, sa budget ngayong taon ng gobyerno ay mahigit sa P400 bilyon ang nakalaan na pambayad sa interes ng mga utang at maaari sana itong  magamit  kung makikiusap muna na huwag bayaran para mapakinabangan ito  para sa pagbibigay  tulong pinansyal sa mga nagigipit ngayon. VICKY CERVALES

Comments are closed.