CAMP CRAME – NILINAW ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na ang kanyang direktiba na magsuot ng facemask ang mga pulis ay depende sa “per need basis” lang.
Aniya, hindi na ipatutupad ang “no mask, no entry sa mga kampo” dahil sa impractical ito.
Paliwanag ni Gamboa, ang bawat facemask ay 8 oras lang ang itatagal kaya magiging masyadong magastos kung ire-require ang 200,000 puwersa ng PNP.
Ipauubaya na lang aniya nila sa mga unit commander kung kailan ire-require ang kanilang mga tauhan na mag-face mask.
Ang mandatory lang aniya ay ang paglalagay ng alkohol sa mga istasyon ng pulis para panghugas ng kamay.
Magugunitang sinabi ni PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na magpapatupad ng “no mask, no entry” sa mga kampo ng PNP, batay sa utos ni Gamboa subalit limitado ang kanilang supply nito.
Sa kasalukuyan, tanging ang PNP-Anti-Kidnapping Group lang ang nagpapatupad ng no mask no entry sa kanilang tanggapan dahil sa mga dayuhang bumibisita sa mga Chinese kidnapper na nakakulong doon. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.