PAGTAAS NG CEMENT IMPORTS BUBUSISIIN

MAGSASAGAWA ang Department of Trade and Industry (DTI) ng imbestigasyon upang matukoy kung ang pagtaas ng importasyon ng semento ay nakapipinsala sa domestic industry.

Sa isang notice na inisyu noong October 28, sinabi ni Trade Secretary Ma. Cristina Roque na alinsunod ito sa Section 6 ng Republic Act No. 8800 o ang Safeguard Measures Act na nagtatakda na maaaring magpasimula ang DTI Secretary ng preliminary safeguard investigation kung may ebidensiya na ang tumaas na imports ng produkto na kinokonsidera ay magiging banta sa local sector ng isang partikular na produkto.

Sakop ng preliminary investigation ang pag-angkat ng semento mula 2019 hanggang 2024.

Ang imbestigasyon ay bunsod ng ebidensiya na nakarating sa DTI na ang cement imports ay umabot sa 51% noong June 2024.

Napansin din ng ahensiya na ang benta ng domestic cement industry ay bumaba mula P79 billion noong 2019 sa P64 billion noong 2023.

Ang share ng domestic cement ay naobserbahan din na bumaba mula 78% noong 2019 sa 68% noong 2023 at 66% noong January-June 2024.

Gayundin ay malaki ang ibinaba ng operating profit ng local cement sector noong 2022 ng 69% at bumaba pa ito ng 137% sa operating loss noong 2023.

“The weighted average landed cost of imports is lower than the average selling price of the domestic product, ‘indicating a price undercutting of 24%’ which compelled local cement makers to reduce prices by 2% to compete with lower-priced imported cement,” ayon pa sa datos ng DTI.

Sa kanyang notice, sinabi ni Roque na “the increase in the volume of imported cement preceded the serious injury to the industry in 2023 and the conditions of competition show that the market share of locally produced cement was essentially displaced during the POI (period of investigation) as the share of imports in the domestic market significantly increased.”

Kaugnay nito, nanawagan ang kalihim sa mga kinauukulang stakeholder na isumite ang kanilang mga komento at posisyon sa naturang bagay.