PUMALO sa 6.9 porsiyento noong nakaraang buwan ang inflation rate ng Pilipinas mula sa 6.3 porsiyento noong buwan ng Agosto.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ito ay sanhi ng pagtaas ng presyo ng pagkain at enerhiya.
Para sa ating ordinaryong mamamayan, ang pagtaas ng inflation rate ay tila isang “silent budget killer” sapagkat pinaliliit nito ang halaga ng ating pera.
Halimbawa, kung makabibili pa tayo ng tatlong piraso ng kendi sa halagang dalawang piso noon, ngayon ay maaaring isa o dalawang piraso na lamang ang mabibili nito dahil sa inflation.
Ayon sa PSA, ang mas mataas na inflation rate noong nakaraang buwan ay dahil sa pagtaas sa presyo ng pagkain at enerhiya.
Base sa datos ng PSA, higit na tumaas ang presyo ng karne, isda, at asukal na naging sanhi ng pagtaas ng food prices. Samantala, ang pagsipa naman ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang nagdulot ng pagtaas ng lokal na presyo ng krudo at koryente.
Base sa huling datos ng Bloomberg, ang kada bariles ng WTI Crude Oil ngayon ay nasa $92 na samantalang ang bawat bariles ng Brent Crude ay pumapalo na sa $97.35.
Ang Pilipinas, bilang isa lamang “net importer” o tagabili ng produktong petrolyo, ang anumang paggalaw sa pandaigdigang merkado ay higit na makaaapekto sa presyuhang lokal.
Naging malaking epekto rin ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar, na noong nakaraang buwan ay nasa P58:$1 na.
Dahil ang pag-aangkat ng langis mula sa ibang bansa ay binabayaran ng dolyar, kinakailangan ng mga petroleum company ng mas malaking halaga upang bayaran ang dollar-denominated commodity na ito. Ang ibig sabihin nito para sa mga ordinaryong konsyumer ay mas mataas na pass-through charges at mas mataas na presyo ng mga bilihin.
Sa kabilang banda, dapat pang paigtingin ng pamahalaan ang paghahanap ng mga paraan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng inflation dahil sa bandang huli, ang mga ordinaryong konsyumer ang higit na naaapektuhan sa mga macroeconomic factor na ito, lalo pa at palapit na ang panahon ng Kapaskuhan kung saan inaasahang lolobo ang pagkonsumo ng mga Pilipino dahil sa Pasko at Bagong Taon.
Upang mapabagal ang inflation rate ng bansa sa mga susunod na buwan, tila dapat maging agresibo pa ang pamahalaan, partikular ang Bangko Sentral ng Pilipinas, sa monetary policy stand nito. Kung ating matatandaan, mula Marso ngayong taon ay nasa 225 basis points na ang itinaas ng monetary rates ng Pilipinas kumpara sa 300 bps ng Federal Reserve.
Samantala, may kakayahan din tayong mga mamamayan na mabawasan ang epekto ng inflation rate sa ating pamumuhay.
Ang mga basic na habit katulad ng pagiging wais sa ating budget, pagbawas sa mga gastusin lalo kung hindi naman ito mahalaga, at pag-invest, kung may kakayahan, sa mga high-yielding assets katulad ng stocks, bonds, at real estate.
Malaking tulong din ang paghahanap ng iba pang pagkakakitaan upang mas lumaki ang ating income.