TINIYAK ng Department of Trade and Industry (DTI)-Romblon na walang masyadong paggalaw sa presyo ng basic necessities at prime commodities sa buong lalawigan ng Romblon nitong mga nakaraang buwan.
Ito ang pagtiyak ni Orville Mallorca, Provincial Director ng DTI-Romblon sa kabila ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang inflation rate sa Mimaropa Region.
Batay aniya sa report na ipinapasa sa kanya ng price monitoring team kung saan hindi pa lumalagpas sa Suggested Retail Price (SRP) ang itinaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan ng Romblon.
Kabilang na aniya sa hindi gumagalaw ang presyo ay ang mga sardinas, noodles, gatas at mga bottled water.
Nauna ng sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na may 41 na manufacturers sa bansa ang nangako sa kanilang opisina na hindi gagalaw ang kanilang mga presyo ng produkto sa loob ng siyam na buwan simula noong Setyembre.
Kabilang dito ang mga brand ng sardinas, iba pang canned goods, gatas, noodles, bottled water, sabon at tinapay.
Nangako naman si Mallorca na hindi tumitigil ang kanilang opisina sa pagbabantay sa mga presyo ng mga bilihin sa probinsya kasama na rito ang bigas at langis kahit labas umano ito sa itinakda ng batas.
Sinabi rin ni Mallorca na wala silang nakikitang overpricing sa presyo ng mga pangunahing bilihin dito sa lalawigan kung saan hinikayat din nito ang mga mamimili na maging mapagmatyag at isumbong sa kanila ang anumang kahina-hinalang pagtaas sa presyo ng bilihin.
Comments are closed.