PAGTAAS NG KASO NG HIV NAKABABAHALA

Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo

INIHAYAG ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na maituturing na “false security” lamang para sa mga mamamayan ang paraan ng pagtugon ng pamahalaan sa pagtaas ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa.

Partikular na tinukoy ng Obispo,  ang condom distribution ng Department of Health.

Ayon kay Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa kanyang Pastoral Visit On the Air sa church-run Radio Veritas, malaki ang ipinagkaiba ng paraan ng pagtugon ng Simbahan at ng pamahalaan sa lumalalang suliranin ng bansa sa naturang sakit.

Iginiit ng Obispo, hindi dapat natatapos sa pagbibigay ng condom sa mamamayan ang approach ng pamahalaan upang maiparamdam ang pagi­ging ligtas sa HIV.

“Iba kasi ang approach natin (Simbahan) sa approach ng gobyerno, ang approach ng gobyerno na pagbago ng lifestyle bigyan ng condom, ibig sabihin kapag may condom ka you feel safe na may condom ka, it’s a false security,” ani Pabillo.

Ayon sa obispo, ang naturang paraan ng pamahalaan ay kaiba sa isinusulong ng simbahan na pagpukaw sa kamalayan ng mga mamamayan upang magbago ng paraan ng pamumuhay at pakikipagrelasyon.

Binigyang-diin ni Pabillo na dapat maimulat ang sambayanan sa kahalagahan ng ‘Abstinence’ o pangingilin bilang isa sa pangunahing paraan upang maiwasan ang naturang sakit.

“Yung approach natin sa Simbahan ay talagang baguhin yung lifestyle – ang ugali mo na talagang hindi ka na dapat na multiple partners, na maging tapat ka sa partner mo. Abstinence, yun talaga ang pinakamahalaga…,” aniya pa.

Pagbabahagi pa ng Obispo, mayroong ministry ang Simbahan sa pagtulong sa mga may sakit partikular na sa mga may HIV.

“Naturally, kasama po sa ministry natin sa mga may sakit ay hindi lang ‘yung clinic ngunit talagang matulungan natin ‘yung mga may sakit lalong-lalo na ‘yung mga may HIV, so may isa pong bahagi ng ministry d’yan na San Lazaro, pagtulong sa mga may HIV yung sa pagpa-testing saka ‘yung pagtanggal sa taboo sa HIV, so isa rin ‘yun sa mahalagang ministry na puwede nating gawin…,” dagdag pa niya.

Batay sa tala ng Department of Health (DOH) noong Marso, nasa 33 kaso ang nagpopositibo sa HIV kada araw mula nang magsimula ang kasalukuyang taong 2018.

Malaki ang itinaas ng bilang na ito mula sa da­ting 22 positibong kaso na naitatala kada araw noong 2015.

Noong Hunyo 2018, nasa 993 katao ang dina­puan ng naturang nakahahawang sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.