PAGTAAS NG PREMIUM SA PHILHEALTH IMINUNGKAHING SUSPENDIHIN

SINABI ni Senator-elect JV Ejercito na imumungkahi niya kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspendihin ang anumang buwanang pagtaas ng premium sa mga kontribusyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Sinabi ni Ejercito, ang punong sponsor at may-akda ng Universal Health Care (UHC) Law, na irerekomenda niya ang hakbang hanggang sa maging normal ang kalagayan ng kalusugan sa bansa upang matulungan partikular ang uring manggagawa, kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

Nauna nang pinayuhan ng PhilHealth na ang buwanang kontribusyon sa premium ay itinaas sa 4 porsyento para sa 2022 ayon sa itinatadhana ng UHC Law.

Ang pagtaas ay may bisa sa Enero 2022 at kokolektahin simula Hunyo.

“Gusto ko lang liwanagin na nu’ng dina-draft natin o sinusulat natin ang UHC law ay normal ang sitwasyon no’n, napakaganda ng takbo ng ekonomiya ng Pilipinas, ng buong mundo. Kaya ‘yung mga computations niyan ay based sa sitwasyon noong panahon na ‘yun,” sinabi ni Ejercito.

“Kaya lang we are in an emergency situation. Hindi naman natin akalain at nakita itong pandemiyang dumating, kung kaya’t we have to adapt to the situation,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang buwan, inihayag ng PhilHealth na target nitong mangolekta ng P205 bilyon sa 2022 kasama ang pagtaas ng buwanang kontribusyon sa premium mula 3 porsyento hanggang 4 porsyento.
LIZA SORIANO