PAGTAAS NG SAHOD NG MGA GURO, ISINUSULONG NATIN SA KAMARA

FORWARD NOW

BAGAMAT kiniki­lala natin ang ating mga guro bilang mga gabay ng susunod na mga henerasyon, nananatiling sila ang may pinaka-mababang sahod sa pamahalaan. Kaya bilang pagkilala sa papel at responsibilidad ng mga guro sa pampublikong paaralan, ating inihain sa Kamara ang House Bill (HB) No. 5076 na naglalayong maitaas ang kanilang sahod. Gusto nating bigyan ng 76% na umento ang minimum salary grade level ng lahat ng public school teacher at dag­dagan pa ang retirement benefit ng mga guro.

Hangad nating itaas ang suweldo ng mga entry level teacher na mula sa kasalukuyang sa­lary grade 11 ay gagawing salary grade 17. Batay sa fourth tranche ng Salary Standardization Law, ang salary grade 11 ay nagkakahalaga ng P20,754 habang P36,942 naman ang salary grade 17.

Nakasaad din sa ating panukala na pagkakalooban ang mga magreretirong guro ng buwanang pensiyon na hindi bababa sa 80% ng kanilang monthly ave­rage salary, allowances at iba pang benepisyo sa ilalim ng batas.Alam natin na ang kakarampot na sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan ang dahilan kung kaya ang ibang guro ay napipilitang iwanan ang pagtuturo at mas pini­piling maging domestic helpers sa abroad para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.Ang panukala ay kasalukuyang tinatalakay kasabay ang iba pang mga panukala sa working group sa ilalim ng Senate committee on basic education, arts and culture. Hinihimok natin ang ating mga kapwa mambabatas na suportahan ang naturang panukalang batas na bigyang prayoridad ang kapakanan at interes ng ating mga guro.

Umaasa tayo na maipapasa ito ngayong 18th Congress dahil kabilang ito sa prayoridad ng kasalukuyang administrasyon dahil binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na nais niyang dagdagan ang sahod ng mga public school teacher, kasabay ng kanyang panawagan sa Kongreso na magpasa ng batas ukol dito.

Comments are closed.