PAGTAAS NG SAHOD NG MGA PUBLIC SECTOR WORKERS ITINUTULAK

NAGPAHAYAG  ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa panukalang pagpapatupad ng dagdag sahod ng mga empleyado ng pampublikong sektor sa presentasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ng panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP) sa Senate Finance Committee noong Martes, Agosto 15.

Habang ang Salary Standardization Law (SSL) 6 ay nakabinbin pa rin, pinuri ni Go ang mga tagapamahala ng pananalapi ng kasalukuyang administrasyon sa paghahanda na ng pagkakaroon ng mga mapagkukunan ng pondo para sa gawaing ito.

Samantala, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng SSL 5, na ipinasa noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, bilang tugon sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay. Ang batas ay inakda at co-sponsored ni Go noong 2019.

“Ang taong ito ang huling taon ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization 5. Ito po ‘yung pinasa natin nung Duterte Administration dahil na rin po sa pagtaas ng presyo ng bilihin, isinusulong natin na magkaroon ng SSL 6 para tuloy-tuloy ang pagtaas ng sweldo ng ating mga civil servants,” saad ni Go.

“Kung sakaling maaprubahan ito, ang SSL 6 ngayong taon, may sapat na budget po ba tayo para sa 2024? I heard meron po kayong na-earmark na P16 billion for this,” pahayag ni Go kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman,

Kinumpirma ni Pangandaman na mayroong nakalaan na pondo na P16.25 bilyon, ngunit kinilala ang pangangailangan ng pagpasa ng SSL 6 Law.

Tinanong din ni Go ang coverage ng SSL 6 at ang halagang inilaan sa SSL 5 sa 2020. Nilinaw ni Undersecretary Janet Abuel na “Mga P33 billion po sa first tranche, but for the entire four tranche po, about P133 billion but that was allocated four years.”

Tinanong din ni Go kung sapat ang P16 billion.

Sumagot si Pangandaman na kulang pa ito ngunit binanggit ang posibilidad ng pag-access ng iba pang compensation at lump sum funds.

“Kulang pa po. But we have po dun sa MPBF (Miscellaneous Personnel Benefits Fund). Meron po kasing other compensation na lumpsum fund, pwede pa po s’yang gamitin. Pwede pong i-access ‘yung lumpsum fund na ‘yun if magkulang. po yung P16.95 billion na yun,” anito.