ISANG malaking tagumpay para sa mga kabataang Pilipino na maituturing ni Senador Win Gatchalian ang pagratipika ng bicameral conference committee sa panukalang itaas ang statutory rape age sa edad na labing-anim.
Niresolba ng bicameral conference committee report ang mga pagkakaiba sa House Bill No. 7836 st Senate Bill No. 2332. Isa si Gatchalian sa mga senador na may akda ng panukalang batas. Ang kasalukuyang edad ng sexual consent sa Pilipinas ay labindalawa (12), ang pinakamababa sa Asya at isa sa mga pinakamababa sa buong mundo.
Paliwanag ni Gatchalian, mahalaga ang hakbang na ito sa pagsugpo sa mga teenage pregnancy o maagang pagbubuntis, lalo na’t karamihan sa mga batang ina ay biktima ng pang-aabuso at karahasan.
Matatandaang ipinaliwanag ni Commission on Population and Development (POPCOM) Executive Director Juan Antonio Perez III na kung susuriin ang datos ng Philippine Statistics Authority para sa taong 2019, dalawa sa tatlong mga kabataan ang nabubuntis ng mas nakatatanda ng dalawampung taon.
Paliwanag ni Perez, ipinakikita nito na may power play at seduction na nagaganap pagdating sa sitwasyon ng mga batang babaeng may edad na 11 hanggang 12.
Ayon sa POPCOM, umakyat ng pitong porsiyento ang bilang ng mga batang babaeng may edad na 15 pababa na nanganak mula 2018 hanggang 2019. Mula animapu’t dalawang libo at tatlong daan (62,341) noong 2018, ang bilang ng mga menor de edad na nanganak noong 2019 ay pumalo sa 62,510 noong 2019. Ayon pa sa POPCOM, mahigit 2,411 batang babaeng may edad na sampu 10 hanggang 14 ang nanganak noong 2019 o katumbas ng pito kada araw. Ang bilang na ito ay mas mataas ng tatlong beses sa 755 na naitala noong 2000.
Ayon pa sa POPCOM, mataas din ang posibilidad na dumami ang mga batang ina dahil sa mga lockdown na dulot ng COVID-19.
“Napapanahon nang isabatas natin ang panukalang itaas ang statutory rape age upang mabigyan ng proteksyon ang ating mga kabataan mula sa karahasan at pang-aabuso. Hindi na natin dapat palampasin ang ganitong uri ng karahasan sa ating mga kabataan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Nakasaad din sa bicam version ng panukalang batas ang “sweetheart provision” kung saan hindi ituturing na krimen ang consensual na pagtatalik sa pagitan ng dalawang kabataang nasa isang relasyon. VICKY CERVALES