SANG-AYON ang isang church-based poll watchdog sa panukalang taasan ang campaign spending limits sa eleksiyon.
Ayon kay Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairman Rene Sarmiento, matagal na dapat na nirebisa at binago ang campaign spending limits.
“The bill is very long overdue. Wise and practical that the amount to be spent by every candidates be increased,” ani Sarmiento.
Hindi naman nagmungkahi ng anumang presyo si Sarmiento ngunit sinabing ang pagtaas ay dapat na angkop at makaaagapay sa nagtataasang presyo ng mga basic commodities ngayon, gayundin sa pagdami ng bilang ng voting population.
“Time to review this anachronistic provision and make it realistic and responsive,” ayon pa kay Sarmiento.
Nauna rito, noong Mayo 22 ay inaprubahan ng House of Representatives ang isang panukala na naglalayong amiyendahan ang Republic Act No. 7166 of 1991 at taasan ang expenditure provision sa election campaigns.
Sa ilalim ng House Bill No. 7295, ipinanukala ang gastos kada botante sa P50 mula sa dating P10 para sa tumatakbo sa pagkapangulo; P40 naman mula sa dating P10 para sa Vice President, P30 naman mula sa dating P3 para sa Senator, district representatives, governor, vice governor, board members, mayor, vice mayor, at councilors; P10 mula sa dating P5 para sa party-list parties, at P40 mula sa dating P5 para sa independent candidates.
Bago naman tuluyang maging batas ay kinakailangan munang magpasa ng kahalintulad na panukala ang Senado at aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.