ISANG taon na naman ang lumipas at napakaraming pagbabago ang naganap sa aking buhay. Bukod sa dagdag na edad at pagdami ng puting buhok, paano pa nga ba nasusukat ang pagtanda?
Para ipagdiwang noon ang aking ika-18 kaarawan, may isinulat akong tula upang bigyan ng perspektiba ang yugtong iyon ng aking buhay. Ito ang buong tula —
Lipas na ang panahon
…ng mga manyika,
…bahay-bahayan,
…at taguan
Lipas na ang panahon ng
…mga kastilyong pangarap
…makisig na prinsipe,
…at paglipad sa buwan.
Ngayon na ang panahon ng
…pagsasakatuparan,
…pagpapatulo ng pawis,
…pagharap sa buhay.
Ngayon na ang panahon ng
…paglabas sa pamilya
…pagkilos para sa iba
…pakikiisa sa mas malawak na lipunan.
Ngayon na ang panahon…
Masasabi kong kahit papaano ay buong tapang kong tinanggap ang hamon ng pagtanda nu’ng panahon na ýon. Naging aktibo ako noon bilang isang lider estudyante at lumabas sa apat na sulok ng paaralan. Ngayon na nasa kalahati na ako ng aking buhay, sapat na ba ang mga nagawa ko upang sabihing may pinagkatandaan ako? Ano pa nga ba ang kailangan kong gawin upang masabing masaya ako sa buhay ko?
Maaaring may magsabi na tila dumadaaan ako ngayon sa tinatawag nilang mid-life crisis. Maaaring totoo ito subalit hindi ba natural na mga tanong ito sa tuwing nadadagdagan ang ating edad? Para sa sikolohistang Marcia Reynolds, ito ay dapat tawaging “mid-life quest for identity” ng mga kababaihan. Ayon sa kanya, simula nang pumasok sa lakas paggawa ang mga babae, malaki na ang pressure upang tugunan ang bagong inaasahan ng lipunan sa kanya – na kaya niyang gawin kahit ano. Kaya naman ayon kay Reynolds, nagkakaroon ang mga babae ng walang katapusang paghanap ng kanyang full potential.
Hindi ko alam kung ito ang nangyayari sa akin ngayon pero tila may katotohanan ito. Sa edad na ito, nagpalit pa ako ng trabaho pero sa pareho namang larangan. Kasabay noon ay nagsimula ako ng isang maliit na negosyo na tila hindi pa sapat ang mga pinagkakaabalahan ko. At sa unang pagkakataon din, nagpakulay ako ng buhok hindi naman upang itago ang aking mga puting buhok kundi para lumabas ang full potential na ganda ng buhok ko!
Comments are closed.