PAGTATAMA SA CLERICAL ERRORS SA PANUKALANG BATAS PINUNA

NAGLABAS  ng pahayag si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Miyerkoles matapos magpahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nilinis pa ng secretariat ang panukalang batas at tinatapos ang mga typographical errors ng Maharlika Investment Fund (MIF) bill pagkatapos nitong maipasa na sa ikatlong pagbasa sa Senado at pinagtibay sa mababang kapulungan.

Nauna nang sinabi ni Villanueva na inaasahan niyang makakarating sa Malacañang ang MIF bill ngayong linggo para pirmahan ng Pangulo matapos itong malinis sa “clerical errors.”

“Naku, wag nilang gawin yan. It is ‘not ok’ and may even amount to a crime if words are changed to ‘perfect’ a bill, as the perfecting exercise should have been done on the floor only by the elected members of the Senate,” ani Pimentel.

Ipinaliwanag niya na pribilehiyo ng isang senador na amyendahan ang panukalang batas at walang hindi nahalal na kawani ang dapat payagang baguhin ang trabaho ng mga halal na miyembro ng Senado.

Ayon kay Pimentel, maaaring payagan ang pagpapalit ng mga section number ng panukalang batas.

Sinabi pa niya na katumbas ng falsification ang pagpapalit ng mga salita at nilalaman ng bersyon na naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa.

“Mawalan ng meaning ang word na ‘final’ if puwede pa palang galawin ng iba. They cannot change the entries like delete some words or add new words. They cannot change meanings or nullify some expressed idea. They are not allowed to replace their ideas for the words of the senators,” ayon sa mambabatas.

“Pag sabi nila na approved na ang final version then that’s it, that is the final version,” dagdag pa niya. LIZA SORIANO