ISANG malaking tinik ang nabunot sa aking dibdib nang makita kong tanggapin ng isa ko pang anak ang kanyang diploma mula sa kolehiyong pinapasukan niya. Pangunahin dito ay dahil makakalaya na rin ako sa pagbabayad ng kanyang matrikula at iba pang gastusin sa kolehiyo gaya ng renta sa condo, internet, at baon sa araw-araw.
Siyempre, labis din ang tuwa at pagmamalaki na naramdaman ko dahil hindi birong kurso ang tinapos ng anak ko. Kahit wala pa siyang medalyang tinanggap, madami na naman siyang naiuwing certificate na nagsasabing nasa Dean’s List siya. Para sa akin ay malaking bagay na ‘yon. Bukod pa ito sa pagpunta niya sa isang kumbensiyon sa Las Vegas upang iprisinta ang kanilang thesis paper sa delegasyon mula sa iba’t ibang parte ng mundo.
Ang panalangin ko na lang ngayon ay matanggap na siya sa isa sa mga kompanyang inaplayan niya para naman makatikim ako ng kahit konting libre mula sa sarili niyang pawis. Kagaya na lang ng kanyang ate na nauna nang nagtapos at nagtatrabaho na ngayon. Laking tuwa ko at pagmamalaki na rin na kusang inako ng aking panganay ang pagbabayad sa kanyang linya ng cellphone.
Lagi ko silang binibiro na dalawang panganay na paghusayan sa paghanap ng trabaho para sila na ang sumagot sa pagpapaaral sa dalawa pa nilang kapatid na mas bata. Sa pamilyang Filipino, ganyan talaga ang inaasahan sa mga panganay. Gaya ko na lamang. Kahit kakarampot ang sahod ko nu’n bilang isang batang reporter, ako ang naatasan na magbigay ng allowance sa isa ko pang kapatid na nasa kolehiyo na. Nang makatapos ako sa kanya, ang bunso naman namin ang sinuportahan ko.
Gayong hindi naman talaga kailangan nilang gawin ito, gusto kong makita na may kontribusyon sa pamilya ang aking mga anak na nagsipagtapos. Bukod sa pagkakaroon ng responsibildad ay makatutulong din ito na lalo pang mapahigpit ang kaisahan ng pamilya.
Pero kung tutuusin, hindi lang sa pamilya tumitigil ang kanilang kontribusyon. Ang kanilang pagtatapos ay hudyat din ng simula ng kanilang paglabas sa mas malawak na lipunan.
Kanina lamang ay nagsimula nang magbayad ng SSS ang aking panganay. Boluntaryo pa ito dahil tila hindi pa naaayos ng kanyang pinagtatrabahuhan ang rehistrasyon nito.
Sadyang nananabik akong masaksihan ang kanilang makabuluhang kontribusyon sa sambayanan sa pamamagitan ng mga napili nilang propesyon!
Sabi nga nu’ng lider estudyante na nagsalita nu’ng graduation ng anak ko, ang misyon ng bawat isa sa kanila ay gawing mas mabuti ang “circumstances” para sa iba lalo na ru’n sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Maaaring maaga pa upang mahantungan ito ng mga anak ko pero wala akong pag-aalinlangan na magiging produktibong mamamayan sila at patuloy nila akong bibigyan ng dahilan upang maging isang #proudmom.
Comments are closed.