(Pagtataya ng Tsinoy bizmen ngayong 2023) EKONOMIYA NG PINAS AALAGWA

Optimistiko ang pagsalubong ng Filipino- Chinese businessmen sa ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2023.

Sa panayam ng Usapang Payaman sa DWIZ882
kay Mr. Wilson Lee Flores, isa sa opisyales ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), masigla ang pagtataya ng kanilang presidenteng si Dr. Henry Lim Bon Liong, na papalo sa 6.5% to 7.5% ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.

“Maraming rason sa pag-ayos ng ekonomiya, dahil walang lockdown at masuwerte tayo kapitbahay natin ang China na number 2 largest economy at ngayong nagbubukas na sila makaraan ang tatlong taon, lahat ng kanilang kapitbahay, kasama ang Pilipinas ay makikinabang,” ayon kay Flores.

Kumpiyansa naman si Flores na hindi mimintis ang FFCCCI President dahil kahit noong isang taon ay naging tama ang forecast nito na papalo ng hanggang 7% ang economic growth ng bansa, na nagkatotoo naman.

Samantala, tagumpay ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pilipinas.

Sinabi ni Flores, ang may ari rin ng pamosong Kamuning Bakery, tradisyon para sa mga kapatid na Tsino ang Chinese New Year, na isang pagkakataon ng pagpapahalaga sa pamilya.

Aniya, ang pagsalubong sa bagong taon, ay pagkakataon para magkasama-sama ang pamilya kaya mahalaga ito.

Ibinahagi ni Flores na ang susi sa matagumpay na negosyo ay kasipagan, pagsusumikap, kalusugan at pagmamahal sa pamilya at ang pananalig sa Panginoon.

“Ang mensahe para sa Year of the Water Rabbit ay laging optimistic, hopeful, pag-asa, magsumikap, kalusugan at pamilya. Kaya ang Chinese New Year ay family reunion, visiting friends, kasi mahalaga ang pamilya,” ayon kay Mr. Flores.

Ang Usapang Payaman ay radio/tv program ng PILIPINO Mirror (Ang Unang Tabloid sa Negosyo) sa DWIZ882 at mapakikinggan tuwing Linggo alas-2:00 -3:00 ng hapon.

Hosts ng programa sina Susan Cambri Abdullahi, Cris Galit at Eunice Calma.
EUNICE CELARIO