TAHASANG tinutulan ng Deparment of National Defense (DND) ang sinasabing plano ng China na mag-deploy ng nuclear weapons sa reclaimed outposts nito sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng Pentagon report sa US Congress na plano ng China na maglagay ng nuclear power plant sa apat na shelter o outpost nito sa may West Philippine Sea bukod pa sa planong pagtatayo ng panibagong outpost sa apat pang inaangking mga isla o reclaimed atoll sa South China sea na inaangkin din ng ibang kalapit bansa.
Inihayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na mariing tututulan nila ito sapagkat hindi naman aniya maaaring magdala ng nuclear weapons ang China sa nasabing disputed area.
Dapat umanong idaan na lamang ang usapin na ito sa pamamaraang sibil sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at sa counterparts nito.
Base sa annual report ng Pentagon sa US Congress, kompleto na ang shore-based infrastructure ng Beijing sa Spratly Islands noon pang 2016 at tila inihahanda naman ngayon ang apat na outpost sa Mabini Reef, McKennan Reef, Burgos Reefs at Calderon Reefs, para lagyan ng nuclear station.
Ayon kay DND spokesman Arsenio Andolong, “we do not foresee any war with china at the moment, particularly in the West Philippine Sea, however the DND and AFP (Armed Forces of the Philippines) will always defend our sovereignty at all cost.”
Aminado si Andolong na hindi nila kayang maglunsad ng giyera, subalit ibang usapan umano kung tungkol sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Kaugnay nito, nagbabala na rin ang United States’ Department of Defense sa posibilidad na mahaluan ng nuclear element ang isyu sa pinag-aagawang mga teiritoryo sa West Philippine Sea.
Sa pananaw ng Pentagon, ginawa ito ng China upang mapalakas pa ang kontrol sa karagatan na kilala sa pagkakaroon ng malaking kayamanan mula sa lamang dagat hanggang sa mineral. VERLIN RUIZ
Comments are closed.