SA PAGLALATAG ng 2020 budget ng Department of National Defense sa Senado, inungkat ni Senador Francis Tolentino ang kawalan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga karagdagang naval stations sa ilang bahagi ng bansa.
Ito ay makaraaang isponsoran ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense ang hinihinging P258 bilyon pondo ng DND sa susunod na taon.
Kinuwestiyon ni Tolentino ang pamunuan ng DND at AFP kaugnay sa kawalan ng pondo para sa naval chain station sa Filipinas gayong tumitindi ang tensiyon sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ng senador ang paulit-ulit na insidente na may mga pumapasok na Chinese vessel sa teritoryo ng Filipinas nang walang paalam sa ating gobyerno.
“Several months ago two naval ships passed by our waters–unannounced. Kung hihintayin pa natin ‘yung 2020 budget call baka marami pang dumaan, marami pang mangyayaring ganyang insidente kung hindi mababantayan.” diin ni Tolentino.
Dahil dito, nangangamba ang senador na maulit ang mga kahalintulad na insidente dahil walang naval chain sa bansa.
Nauna rito, inihain ni Tolentino ang Senate Bill 1143 o ang Philippine Archipelagic Defense Act na layon paglaanan ng pondo ang pagtatayo ng naval chain mula Batanes hanggang Tawi Tawi.
Giit pa nito, panahon na para muling kilalanin sa Asya ang defense capability ng AFP sa pamamagitan ng modernong tanggulang pambansa.
“Kailangan nating palakasin ang ating Department of National Defense, kailangan natin iangat din ang kalidad ng mga armas at kagamitan ng armed forces natin, kailangan na kilalanin din tayo,” ani Tolentino. VICKY CERVALES
Comments are closed.