(Ni CT SARIGUMBA)
KAAKIBAT ng pagtatayo ng sariling negosyo ang paniniwalang kikita at mababago ang katayuan sa buhay ng isang tao o pamilya. Hindi nga naman sapat ang maging empleyado lang tayo habambuhay. Kumbaga, inaasam-asam din ng bawat isa sa atin ang maging successful sa buhay, maibigay sa pamilya ang mga pangangailangan nito at ang magkaroon ng sariling mapagkakakitaan. Iyong tipong nahahawakan nila ang kanilang oras. Sila ang boss at hindi tagasunod lamang.
Ginagawa ng bawat isa sa atin ang lahat ng alam na paraan upang matupad ang pangarap na makapagsimula ng kahit na maliit lamang na negosyo. Nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi. Minsan pa nga o madalas ay ginagawang umaga ang gabi. Kayod dito-kayod doon. Walang pinalalampas na minuto at pagkakataon. Wala ring sinasayang na salapi at panahon. Nangangahas din ang ilang mangutang para lang magkaroon ng sapat na puhunang magagamit sa pagsisimula ng kanilang itatayong negosyo.
Napakasarap nga namang isiping may sarili kang negosyo. Ayon nga sa mga taong may sariling negosyo, mas nagkakaroon daw sila ng panahon sa pamilya dahil hawak ang kanilang oras. Mas malaki rin ang tiyansang mapalaki ang kita sa isang araw kumpara nga naman sa pagiging empleyado na naka-fix ang suweldo. Higit sa lahat, mas malaki ang tiyansang maging successful at gumanda ang buhay kung may sariling negosyo at nahawakan itong mabuti.
Sa katotohanang magkakaroon ng panahon sa pamilya at maibigay ang pangangailangan ng mga ito ang isa sa dahilan kaya’t maraming empleyado ang mas piniling magtayo ng sariling negosyo. Mahirap din kasi ang maging empleyado dahil may oras kang dapat na nasa opisina o trabaho. Sa mga nag-oopisina, kadalasang 9am to 5pm ang trabaho. Ibig sabihin, mas malaki ang nailalaang oras sa pagtatrabaho kaysa sa ang makasama ang mahal sa buhay. Minsan pa, iniuuwi pa ng maraming employee ang kanilang trabaho sa bahay.
Mahirap man ang maging empleyado ngunit wala namang masama lalo na’t nakatutulong ito sa ating kumita para panustos sa pangangailangan ng buong pamilya. Pero hindi rin naman lahat ng empleyado ay may magandang posisyon at suweldo. Ang ilan, kahit na kumayod ng umaga hanggang madaling araw ay kinakapos pa rin. Kaya’t kung may pagkakataon ka namang magtayo ng sarili mong negosyo, bakit hindi mo subukan.
At sa mga nag-iisip diyan na magtayo ng sariling negosyo kahit na maliit lang, narito ang ilan sa mga dapat na isaalang-alang:
MAGLAAN NG SAPAT NA PUHUNAN SA ITATAYONG NEGOSYO
Hindi nga naman biro ang magdesisyong magtayo ng sariling negosyo. Oo, gusto nating magnegosyo para sa kapakanan ng pamilya. Pero hindi ito ganoon kasimple o kadali.
Kunsabagay, sa panahon ngayon ay wala na nga namang madaling gawain. Lahat ay mahirap. At para rin makamit mo ang tagumpay, kailangan mong magsipag.
Pero bukod sa sipag, unang-unan mong kailangang ihanda ay ang sapat na puhunan sa itatayong negosyo.
Madaling magdesisyong gusto nating magtayo ng sariling mapagkakakitaan o sariling business. Pero hindi ito madaling umpisahan lalo na kung wala kang pera o sapat na puhunan para rito. Kaya kailangan mong maghanap ng puhunan. Puwedeng mag-ipon o kaya naman ay ang mangutang.
Kapag nagkaroon ka na ng sapat na puhunan, importante ring alam mo kung paano humawak ng pera nang hindi mauwi sa wala ang pinaghirapan.
Isa sa dahilan kaya’t nagsasara ang isang negosyo ay dahil sa kawalan ng kaalaman ng isang negosyante kung paano hahawakan ang kanyang pera o kinikita.
Kapag napansin kasing malaki-laki ang kinita ng kanyang negosyo, napapasarap din ang pamimili. Napagagastos kumbaga.
Tandaan na hindi dapat na pinagsasama ang kita sa itinayong negosyo at ang sariling pera. Higit sa lahat, huwag na huwag ding gagastusin ang perang kinita sa negosyo sa pansariling pangangailangan nang hindi mawalang parang bula ang pinaghirapang puhunan.
LAKAS NG LOOB AT PAGIGING PROPESYUNAL
Importante rin ang pagkakaroon ng lakas ng loob kung nais mong magtayo ng negosyo. Gaya nga ng sabi natin kanina, hindi madali ang magnegosyo kaya’t dapat ay handa ka at malakas ang iyong loob.
Kung malakas ang iyong loob, hindi ka basta-basta susuko lalo na sa mga panahong kumakaharap sa problema.
Bukod sa lakas ng loob, napakahalaga rin ng pagiging propesyunal. Okey, sabihin na nating marami kang kaibigan. Siyempre, lahat naman tayo ay mayroong mga kaibigan—mabuting kaibigan man iyan, masama, totoo o hindi.
Kapag tinawag at itinuring na nating kaibigan ang isang tao, ano pa man ang ugaling mayroon siya ay kailangan nating tanggapin. Kaibigan e. Itinuring na nating kaibigan.
Pero kung ang usapan ay negosyo, dapat ay walang kaikaibigan. Ibig sabihin, hindi puwedeng puro libre ang ibigay mo sa kanya dahil kaibigan mo siya. Malulugi ka kapag ganoon.
Hindi masamang manlibre pero huwag dadalasan o dapat minsan lang o isang beses lang. Mas mainam kung magbigay na lang ng discount para naman hindi maghikahos ang iyong sinimulang negosyo.
Kadalasan, ang ganitong pangyayari ang isa pang dahilan kaya’t nalulugi at nagsasara ang isang negosyo. Kaya dapat na maging aware tayo sa ganitong mga bagay.
MAGING HANDA SA MGA HINDI INAASAHANG PANGYAYARI
Bilang isang negosyante, importante rin ang pagiging handa sa lahat ng bagay o pangyayari.
Alam naman nating hindi lahat ng negosyo ay agad-agad naaabot ang rurok ng tagumpay. Marami riyan na tila lumusong pa sa putikan, tumatawid sa koryente o sumisisid sa kailaliman ng dagat para lamang maabot ang pinapangarap na tagumpay.
Kaliwa’t kanang problema ang puwedeng makasalamuha sa mundo ng pagnenegosyo. Pero kung inihahanda na natin ang ating sarili bago pa natin ito pasukin, wala tayong dapat na ipag-alala. Kasi kung handa tayo sa lahat ng bagay, masosolusyunan natin ang kahit na anong problemang maaaring humarang sa ating daraanan patungo sa pinapangarap na tagumpay.
Hindi madaling magtayo ng negosyo. Pero posible ito lalo na kung may kaalaman ka sa iyong itatayong negosyo. Makakamit mo rin ang tagumpay kung magsisipag ka at gagawa ka ng paraan para umasenso. (photos mula sa businessknowhow.com, rosenet-ca.org, smallbiztrends.com, omaghenter-prise.co.uk)
Comments are closed.