PAGTATAYO NG OFF-SITE MODULAR HOSPITAL KASADO NA

DPWH

HANDANG-HANDA na ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways kaugnay sa planong konstruksiyon ng isang off-site modular hospital para sa treatment ng mga moderate COVID-19 cases sa bansa.

Sinabi ng DPWH na nakikipagtulungan na ito sa Department of Health para sa pagtatayo ng nasabing modular hospital upang matiyak ang sapat at napapanahong suporta sa pagtatayo ng imspraestruktura laban sa nakamamatay na sakit.

Inatasan na rin ang isa nitong Undersecretary at ang DPWH Task Force to Facilitate Augmentation of Local and National Healthcare Facilities na pangunahan  ang pag-set up ng off-site modular hospital sa  Quezon Institute sa E.Rodriquez  Sr. Avenue sa Quezon City.

Tulong tulong na nagsagawa ng isang site validation sina Usec. Leopoldo Vega ng DOH, si DPWH Usec. Emil Sadain at mga miyembro ng DPWH Task Force na sina Bureau of Design Director Aristarco Doroy, Bureau of Maintenance Director Ernesto Gregorio Jr.,  Bureau of Construction Director Eric Ayapana at Assistant Director Edgardo Garces, sa Quezon Institute kung saan pinaplanong itayo ang 5 modular hospital na may bed capacity na 110.

Bawat modular hospital facility ay gawa sa fabricated components na maaring tumanggap ng 22 pasyente.

May hiwalay rin na  nursing station, equipment laboratory, pantry, storage, CCTV lines and monitoring board ang nasabing field modular hospital.

Ang konsepto na ito ay nagmula sa inisyatibo ng DPWH Task Force na may ilalaang kama para sa COVID-19  patients  sa parehong mga government at private hospitals sa Metro Manila na halos naabot na ang kanilang full capacity dahil sa pagbuhos ng bagong mga kaso ng nasabing sakit. PAUL ROLDAN

Comments are closed.