PAGTATAYO NG ‘SUPER HOSPITALS’ SA BAWAT REHIYON, IMINUNGKAHI NI BONG GO

BINIGYANG-DIIN  ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan para sa gobyerno na patuloy na mamuhunan sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan o health care system ng bansa at matutunan ang mga aral nito mula sa patuloy na pandemya ng COVID-19.

“The more we invest sa ating healthcare system, the better. Dapat po ay maging proactive po tayo.

Huwag na tayong maging kumpiyansa. Noong nangyari sa atin, nabigla tayo. Sino bang mag-aakala?” sabi ni Go sa isang ambush interview matapos ipamahagi ang tulong sa LGBT Coalition Members sa Davao City noong Sabado, Disyembre 4.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na pondo para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) dahil sa napakahalagang papel nito sa pagtugon sa pandemya. Ang RITM ay ang pangunahing research arm ng Department of Health para sa pag-iwas at pagkontrol sa mga nakakahawang sakit at tropikal na sakit sa Pilipinas. Ito ang una, at dati ay ang nag-iisang pasilidad ng pagsusuri sa COVID-19 sa bansa. Kaya naman, ibinahagi ng mambabatas kung paano niya ipinaglaban ang budget ng institute noong mga nakaraang deliberasyon sa Senado.

“Alam mo, ikwento ko lang po sa inyo itong RITM. Ito pong ahensiyang ito ng DOH iyon pa ang unang pagbabawas nila ng pondo noong 2020. Nagkaroon kami ng hearing noong 2019, iyon pa ang binawasan,” ani Go.

“Hindi mo akalain ang RITM ang pinakaunang division… o opisina ng DOH na nangunguna sa testing.

Iyon pa ang una nilang planong bawasan. Hindi ako pumayag, dinagdagan ko pa. Binalik ko pa, siguro kutob ko lang noong panahon na ito na dapat ‘wag pabayaan ‘yung RITM,” dagdag pa niya.

Nanawagan din siya para sa pagpapabuti ng mga pampublikong ospital sa bansa, na iminungkahi ang pagtatatag ng isang “super hospital” sa bawat rehiyon sa bansa.

“Mag-invest tayo sa mga hospital–pagandahin natin. Ako po, ang plano ko po sana’y magkaroon tayo ng ala-SPMC (Southern Philippines Medical Center), ala-PGH (Philippine General Hospital) sa bawat rehiyon,” ani Go.

“Kung maaari po magkaroon tayo ng super center na complete parang mega regional hospital in each region. Halimbawa, Metro Manila kung may PGH na maganda, kumpleto nandiyan ang lahat–operasyon, puso, lahat kumpleto,” aniya pa.

Samantala, sinabi ni Go na pag-aaralan pa ng Senado ang House Bill 10392, na nag-aatas sa mga local government unit na maglaan ng hindi bababa sa 15% ng kanilang bahagi sa pambansang buwis para sa mga serbisyong pangkalusugan.

“Pag-aralan natin ito sa Senado, as a legislator, itong devolved function ng kalusugan kung saan LGUs ang primarily in-charge in their respective jurisdictions (pagdating sa key public services). Iyan po ang mandato ng Local Government Code,” ani Go.

“Pag-aralan natin kung mayro’ng legal implications ang batas na ito na nangangailangan ng LGUs na maglaan ng partikular na bahagi ng annual national tax allotment share para sa mga serbisyong pangkalusugan. Pag-aralan po muna natin nang mabuti,” aniya pa.

Kung maipapasa ang batas, babaguhin ng panukalang batas ang Section 287 ng Local Government Code at mag-aatas sa mga LGU na maglaan sa taunang badyet nito nang hindi bababa sa 15% ng taunang pambansang buwis na inilalaan nito para sa mga serbisyong pangkalusugan.

Sa gitna ng mga alalahanin sa kalusugan ng publiko, sinabi ni Go na patuloy niyang ipaglalaban ang mga patakarang nagpapabuti sa pag-access ng mga Pilipino sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at pagtataguyod ng mga karapatan ng mga manggagawa sa healthcare system.