KINAMULATAN na natin ang taho. Bata pa lang ay madalas na nating naririnig ang sigaw na “taho…” tuwing umaga. At kapag narinig natin ang sigaw na iyon ay nagmamadali tayong pumunta sa kusina at kumuha ng baso para paglagyan ng mainit na taho. Noon at magpahanggang ngayon ay kinasanayan at tinatangkilik ng Pinoy ang masarap at mainit na taho.
Marami sa ating mga kababayan na ito ang naging hanapbuhay. Isa na rito si Eddie Aquino na halos 25 taon nang nagtitinda ng taho. Binuhay niya ang kanyang pamilya sa pagluluto at pagtitinda nito. Napaaral niya rin ang kanyang limang anak sa kolehiyo at sa mga pribadong eskuwelahanan pa sa pamamagitan lang ng pagtitinda ng taho.
Sipag at tiyaga ang kanyang puhunan. Noong una ay umaangkat lang siya dahil sapat lang ang kanyang kinikita para sa pang-araw-araw na gastusin.
Habang nanonood siya sa kanyang kumpare na nagluluto ng taho at nakabisado niya ito. Noong una ay nagpapaturo siya. Pero ayaw siyang turuan kaya’t sinikap niya na subukan kung paano ito maluluto.
Ngunit hindi basta-basta ang pagluluto ng taho. Hindi dapat sumobra ang tubig. Kailangang sakto lang o tantiyahan lang. Matapos ang 15 na taon, nagawa na niyang mag-solo dahil nagawa na niyang makapagluto ng taho.
Bumili si Eddie nang isang sakong soya at giniling ito. Kumuha ng malaking kaldero at saka nag-experiment hanggang sa na-perfect niya ang paggawa.
Walang sayang sa taho. Mula sa sariwang sangkap na soybeans na lulutuin lang ng dalawang oras, magiging taho na. Ang sapal nito ay maaaring gawing miso na nabibili sa palengke na maaaring ihalo sa mga sinigang na isda. Maaari rin itong gawin tokwa.
Nagkaroon siya ng sariling stainless na timba na ang puhunan ay 1,000 pesos. Kung ito ay mauubos agad, kikita rin siya ng 1009.
Kinakailangan lamang magsikap, magsipag at magtiyaga. Makakamtan din natin ang ating mithiin sa buhay.
Ang taho ay isa sa pinakapaborito ng Pinoy. Maaaring kainin ng mainit, maaari ring kainin ng malamig. May sangkap na arnibal at matamis na sago.
Soybean ang pinakapangunahing sangkap nito. Masustansiya at bagay sa mga taong nagda-diet. Nagmula ito sa China. Sa ibang bansa tulad ng Indonesia at Thailand, ang tawag dito ay Tauhue. Taufufah naman sa Malaysia. Makikita itong ibinebenta sa mga kalsada sa buong Filipinas. Napakadaling kainin nito dahil isang higop lang ay siguradong busog na ang iyong tiyan.
Marami itong health benefits. Nakapagpapababa ito ng cholesterol. Mayaman ito sa iron, calcium, protein na perfect sa mga Vegan.
Mayroon din itong isoflavones at phytoestrogens. Tumutulong din itong malabanan ang cancer, osteoporosis, obesity at diabetes.
Gayundin ang malapit nang mag-menopause ay natutulungan nitong mabawasan ang nararamdamang sakit. Nagkapagpapaganda rin ito ng balat at buhok dahil sa sustansiyang nakukuha rito. Nagpapalakas din ng katawan at nagpapanatili ng healthy weight. Nakababawas din ito upang huwag magkaroon ng sakit na kidney, liver at higit sa lahat ang sakit sa puso.
Comments are closed.