PAGTUGON NG MERALCO SA KRISIS NG ECQ

Magkape Muna Tayo Ulit

EWAN  ko ba kung bakit may mga mamamayan sa atin na imbes na makatulong at umunawa sa kasalukuyang hirap na sitwasyon na nararamdaman natin dulot ng COVID-19 ay puro angal at batikos ang ginagawa.

Tulad na lamang sa pag-obserba ng social distancing, pagsusuot  ng face mask at pananatili sa ating tahanan upang makatulong tayo sa pagsugpo sa nakamamatay na sakit na ito.Imbes na tumalima, marami sa atin ang pasaway at malakas pa sa angal.

Sa ngayon, dahil sa mabigat na sentimyento ng karamihan na kailangan nang mag-umpisa na tayo na bumalik sa normal at buksan muli ang ekonomiya, napilitan ang ating pamahalaan na magluwag na ng polisiya ng ECQ bagama’t patuloy na pataas ang kaso ng COVID-19 na pumpapalo na sa mahigit na 13,000.

Sabi ko nga, ang buong mundo ay hindi handa sa kaganapan na ito. Hindi ito tulad ng bagyo, baha at tag-init na nakahanda ang pamahalaan at ang pribadong sektor kung ano ang dapat na aksiyon na gagawin laban dito.Taon-taon kasi na nangyayari ito. Hindi tulad ng COVID-19.

Ganito ang sitwasyon na nangyayari sa Meralco. Sa kasalukuyan, sila ay nasa sentro ng balita dahil sa diumano’y mataas na singil ng koryente. Marahil ay alam na natin ang puno’t dulo nito. Hindi nabasa ang ating mga metro mula nang magkaroon ng ECQ simula ng kalagitnaan ng buwan ng Marso. Kaya nag-estimeyt lang sila sa ating na konsumo sa buwan ng Marso at Abril. Subalit pumatong pa ang babayaran sa nasabing dalawang buwan sa mataas na konsumo natin nitong buwan ng Mayo. Maraming nagulat, nagalit at umalma sa pangyayaring ito.

Subalit malinaw at patuloy ang paliwanag ng Meralco rito. Naglabas sila ng kanilang pahayag dito. Si Joe Zaldarriaga ng Meralco, kasama ang kanyang mga tauhan sa Public Information Office, ay walang pahinga na nagpapaliwanag at tumutulong upang ipaliwanag ito sa publiko.

Ngayon lang nangyari ang sitwasyon na ito, hindi lamang sa Meralco kundi sa lahat ng mga institusyon na nagbigay serbisyo o nagpautang na kailangang sumingil sa kanilang mga kliyente. Ang Meralco ay bukas sa lahat ng suhestiyon mula sa pamahalaan upang mapagaan ang paghihirap ng sambayanan. Taliwas sa mga iba na nagsasabi na nagsasamantala ang Meralco sa krisis ngayon.

Ang magandang halimbawa ay ang utos ng kanilang presidente na si Atty. Ray Espinosa na alisin na ang P47 na bayad bilang ‘transaction fee’ na hindi naman napupunta sa kanila. Sakop ang sinasabing ‘waive’ ng bayad na P47 mula ika-16 ng Marso hanggang sa ika-15 ng Mayo. Ito ay para makatulong na mabawasan ang paghihirap ng kanilang mga customer.

Nagbigay ng liham si Atty. Espinosa kay Sec. Cusi ng DoE upang magpaliwang sa kasalukuyang sitwasyon tungkol sa mataas na singil sa koryente. Dagdag pa ni Espinosa na tatalima sila sa mga suhestiyon o kautusan ng pamahalaan upang maibsan ang paghihirap ng ating kapwa mamamayan.

Sana ay intindihin natin na Distribution Utility ang Meralco. Mga 16% lamang ang nakukuha nila sa ibinabayad natin sa koryente. Ang mahigit 80% na ibinabayad natin ay napupunta sa Gencos, NGCP at sa ating pamahalaan. Kaya huwang naman sana nating ipako sa krus ang Meralco dahil sa mataas na singil ng koryente.

Kaya ang panawagan ko sa mga ilang sektor ng ating lipunan, kasama na rin ang mga ibang politiko na nais sumakay sa paghihirap ng ating mamamayan, magtulong-tulong na lang tayo kung papaano tayo makahahanap ng solusyon upang makatawid ang sambayanan sa pagsubok sa lahat ng suliranin na lumabas dahil sa COVID-19.

Comments are closed.