PAGTUGON NG NCRPO SA SEGURIDAD NG PUBLIKO

SA gitna ng pagdiriwang ng Kapaskuhan, muling ipinakita ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pangu­nguna ni Acting Chief PBGEN Anthony A. Aberin, ang kanilang kahusayan at dedikasyon sa pagpapanatili ng seguridad ng publiko.

Sa mabilisang aksyon laban sa isang sindikato ng pagnanakaw at carnapping, matagumpay nilang naaresto ang limang suspek, nabawi ang mga ninakaw na gamit, at nakumpiska ang ilang mga baril.

Nagsimula ang insidente noong Disyembre 17, 2024, sa Xavierville Avenue, Barangay Loyola Heights, Que­zon City.

Sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at serye ng mga operasyon, nagtagumpay ang NCRPO at QCPD sa isang follow-up operation noong Disyembre 23, 2024, sa Barangay Commonwealth, Quezon City. Dito naaresto ang mga suspek at nabawi ang ninakaw na Mitsubishi Adventure at ang ginamit nilang Honda CRV getaway car.

Ang ebidensyang nakumpiska ay naglalaman ng isang caliber .45 Colt MK IV Series 80 pistol na walang serial number, tatlong caliber .38 revolvers, mga bala, at iba’t ibang personal na gamit tulad ng mga wristwatch, cellphone, ID cards, at mga sling bag. Ang kooperasyon ng biktima ay naging mahalaga sa mabilis na pagkakaresolba ng kaso.

Sa pahayag ni PBGen. Aberin, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ngayong Kapaskuhan.

Aniya, mananati­ling agresibo ang NCRPO sa intelligence-dri­ven operations bilang bahagi ng ating crime prevention strategy. Sa pagkakaaresto ng mga kriminal na ito, mara­ming krimen ang na­sugpo hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga karatig-rehiyon.

Masasabi na ang tagumpay na ito ay patunay na sa kabila ng abala sa panahon ng Pasko, ang NCRPO ay hindi nagpapabaya sa kanilang tungkulin. Nararapat lamang kilalanin ang kanilang pagsisikap upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa ating komunidad.

Higit pa rito, ito’y paalala rin sa publiko na ang kooperasyon at pagiging mapagmatyag ay susi sa tagumpay laban sa kriminalidad. Sa sama-samang pagkilos ng pulisya at mamamayan, maitataguyod ang mas ligtas at maayos na pamayanan ngayong holiday season at sa mga darating pang pa­nahon.