PAGTUGON SA BAGONG HAMON

rey briones

IKALAWANG linggo ng Marso nang i-lockdown ang Kalakhang Maynila dahil sa pagpasok ng coronavirus sa bansa.

Community quarantine, Suki, ang tawag ng gobyernong Duterte sa pagpigil sa lahi ni Juan na gumala nang walang sapat na kadahilanan.

Kasabay ng pagsara ng mga negosyo, ma­liban sa tinawag na essentials.

Hindi gumalaw ang ekonomiya ayon sa nakasanayan nitong gilas. Sa Pilipinas man… at sa buong mundo.

Kasi pandemya na nga, Suki. Na sa hamak kong pananampalataya ay marahil sadyang pinagpahinga ng Poong Lumikha si Mother Earth.

o0o

Kasama ang mga diaryo sa nahintong industriya nang itodo ng gobyerno ang kampanyang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Enhanced community quarantine o ECQ ang tawag ng mga taga-IATF sa pagpilay ng printed news na karamihan ay likha sa rehiyong kapitolyo ng bansa.

At ang sandaigdigan yata, Suki, ay umasa na lang sa mga balitang likha ng internet… na digital media ang tawag sa makabagong panahon.

Kabilang ang PILIPINO Mirror sa mga biktima ng COVID-19… ang diaryo ninyong una at nag-iisang tabloid sa negosyo.

Pero tulad ng mga Filipinong nahinog sa mga pagsubok ay nagpakatatag ang paborito ninyong  babasahin … at nagpatuloy itong gumanap ng misyon sa paghatid ng mga makabuluhang balita’t  impormasyon… sa pamamagitan ng kanyang online o digital platform.

Hindi  ito bumitiw sa tungkuling hatiran ang kanyang mga suki ng mga tunay na kaganapan sa panahon ng pandemya.

At masaya nitong ipinagdiriwang ang ika-walong anibersaryo ngayong araw kasabay ng panalangin na sana’y mawakasan na ang pananalasa ng mikrobyo sa buhay nating mga nilalang hindi lang dito sa ating bansa, kundi sa buong mundo.

PILIPINO  Mirror sa ika-8: Pagbangon sa bagong hamon… ‘yan po, Suki, ang tema ng ating anibersaryo.

At ‘yan po ang pagsusumikapan naming tuntunin sa panahon man ng pandemya o sa panahon ng tinawag na “bagong normal.”

Maligayang anibersaryo sa ating mahal na PILIPINO Mirror.

Comments are closed.