ANG kakulangan ng mga silid-aralan ang isa sa mga pangunahing isyu na agad dapat tugunan ng Department of Education (DepEd).
Batay sa National School Building Inventory ng DepEd noong 2023, tinatayang umaabot sa 165,443 ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.
At noong nakaraang taon ay 192 lamang sa target na 6,379 na mga silid-aralan ang naipatayo, batay sa ulat ng Commission on Audit (COA).
Tinataya namang P413.6 bilyon ang kinakailangang pondo upang mapunan ang mga kakulangang ito.
Sadyang malaki ang kakailanganing pondo para makapagpatayo ng mga karagdagang silid-aralan kaya naman nahihirapan ang pamahalaan na maisakatuparan ito.
Subalit hindi ito dahilan para hindi matugunan ang pangangailangan ng sapat na bilang ng mga classroom at hayaang lumobo pa ang kakulangan sa hinaharap.
Dapat humanap ng iba’t ibang paraan ang pamahalaan para matuldukan na ang pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa klasrum na hindi maitatatwang nakaaapekto nang malaki sa kanilang pag-aaral.
Maaaring ikonsidera ang iminumungkahi ng isang senador na pagpapatupad ng tinatawag na ‘counterpart program’, kung saan pinopondohan ng mga nakikilahok na local government units (LGUs) ang 50% ng halagang kailangan para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom, habang sagot naman ng national government ang natitirang 50%.
Sa ganitong paraan kasi ay mapabibilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan
Maaari ring gamitin ang public-private partnerships upang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.