PAGTUGON SA KALAMIDAD, PAIGTINGIN SA GITNA NG PANDEMYA

Senadora Grace Poe-4

NAIS ni Senadora Grace Poe na palakasin ang pagtugon sa kalamidad at pabilisin ang tulong sa mga nasalanta sa gitna ng hagupit ng pandemya.

“Walang ibang aasahan ang ating mga kababayan sa gitna ng kalamidad kundi ang agarang saklolo ng buong galamay ng gobyerno,” giit ni Poe.

Nauna nang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 124 o ang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act” na layong mapahusay ang pagtataguyod ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga komunidad tungo sa mas matatag na pagharap sa mga darating pang kalamidad.

Layunin ng panukala na ireporma ang disaster risk reduction management ng bansa sa pamamagitan ng paglikha ng Department of Disaster Resilience and Emergency Assistance and Management na kabibilangan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Pangungunahan ang nasabing departamento ng sarili nitong kalihim na siyang may pananagutan sa paggabay sa bansa na maging lubos na resilient.

Nag-iwan ang bagyong Quinta ng mga mangingisdang nawawala sa Catanduanes kabilang ang mga nasirang tahanan at impraestruktura sa Pola, Oriental Mindoro. Bago ito, sinalanta naman ng bagyong Pepito ang 5,000 mamamayan sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Calabarzon at Gitnang Luzon.

Sa Lopez, Quezon, naapektuhan ng bagyong Pepito ang 1,637 tahanan na may mahigit isang libong pamilya ang kailangang lumikas at manatili sa mga evacuation center.

“Napakahirap para sa mga nagdarahop na pamilya na lumikas sa kani-kanilang tahanan bunsod ng bagyo at sa gitna pa ng pandemya,” giit ni Poe.

Inorganisa ni Poe ang kanyang staff at mga volunteer upang maghatid ng mga relief pack mula sa kanyang tanggapan para sa mga apektadong magsasaka sa Lopez, Quezon sa pamamagitan ng nongovernment organization na Panday Bayanihan.

Nasira ang pananim ng mga magsasaka sa gitna ng pagbaha sa kanilang barangay nang abot-baywang.

Kada relief pack na ipinaabot ni Poe ay may lamang limang kilong bigas, tatlong lata ng corned beef, tatlong lata ng meat loaf, noodles at kape. VICKY CERVALES

Comments are closed.