KAMAKAILAN ay mayroong isang Facebook post na kumuha ng aking atensiyon dahil sa mensaheng taglay nito.
Simple lamang ang isinasaad ng naturang mensahe: Nagpaalala ito na mag-ingat tayo ngayong Pasko sapagkat hindi lahat ay nagdiriwang. Sa gitna umano ng mga party, inuman, at kasiyahan, marami ang nag-iisa at nalulungkot. Sa panahon ng Kapaskuhan, marami talaga ang nade-depress, sa iba’t ibang kadahilanan, kaya naman may katwiran din ang nag-post ng mensahe.
Patuloy pa nito, kung mayroon tayong kamag-anak o kaibigan na sa tingin natin ay may depresyon, mainam kung babatiin natin sila at kukumustahin. Ang iba nga ay nag-iingat pa na hindi mahalatang malungkot sila, kaya mainam ding mangumusta sa mga kaibigan at kamag-anak kahit na hindi natin sila kinakikitaan ng kalungkutan.
May mga taong nasunugan, namatayan, mayroong may karamdaman, o nangungulila sa mahal sa buhay na nasa malayong lugar. Ang iba ay may problema sa pamilya, may dinaranas na kakulangan sa buhay (pinansiyal man o hindi), at marami pang iba.
Hindi rin natin maaaring kalimutan ang mga taong nasa gitna ng digmaan, yaong mga nasa mapanganib na sitwasyon. Humanap tayo ng panahon upang ipagdasal ang mga nangangailangan ng panalangin.
Hindi rin naman masama kung sisimplehan lamang natin ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.
Ang mahalaga ay ang diwa ng Pasko at ang pag-alaala kay Hesus. Huwag nating bigyan ng prayoridad ang materyal na bagay, bagkus ay pahalagahan natin ang pagtulong sa kapwa, pagbibigay ng panahon para sa ating mahal sa buhay, at pagpapakita ng pagmamahal sa lahat.