PAGTULONG SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD, MATAGAL NANG PANGAKO NI SEN. GO

Bong Go

NILINAW  ni Senador  Bong Go na ang pagdalaw at pagtulong sa mga biktima ng sunog at kalamidad na matagal na niyang pangako at ginagawa.

Ayon kay Sen. Go, bago pa man ang eleksiyon ay ipinangako niya na kapag siya ay nanalo ay dadalhin at ilalapit niya ang serbisyo ng gob­yerno sa mga nasalanta ng sunog, bagyo, lindol at iba pang kalamidad.

“Wala pong pamumulitika ang pagtulong ko sa mga biktima, bagkus ito ay naipangako ko noong hindi pa ako senador na kailangan kong tuparin,” ani Go.

Ayon pa sa bagitong senador mula sa Davao City, tapos na ang eleksiyon at malayo pa ang susunod na halalan kaya trabaho lang ang kanyang ginagawa.

Paliwanag pa ni Go, kapag ang mga probinsyano ay nangako ay tinutupad nila ito.

“Pamumulitika ba ang pagbibigay ng ayuda ng gobyerno sa mga taong nasunugan, binagyo at nilindol? ‘Di ba trabaho talaga ng taong gobyerno ‘yan,” hirit pa ni Go.

Ang mga pahayag ng dating Special Assistant to the President (SAP) Secretary ay sagot sa puna ng isang TV network na namumulitika siya.

Anang senador, kahit noong assistant pa lang siya ni Davao City Mayor at ngayon ay Pa­ngulong Rodrigo Duterte ay dinadalaw at tinutulungan na nila ang mga nasunugan, at iba pang biktima ng kalamidad.