NAGBABALA si House Committee on Public Order and Safety Chairman Romeo Acop na posibleng dumami pa ang mga kaso ng pagpatay sa mga high-profile political leaders sa buong bansa dahil sa mabagal na hustisya sa pinaslang na si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Ayon kay Acop na isang dating PNP Comptroller, maaaring humikayat sa mga gun-for-hire-groups na pumatay ng mga politiko ngayong papalapit ang 2019 midterm polls dahil sa napakabagal na judicial process ng bansa.
Aniya, maaaring isipin ng mga kriminal na napakadaling pumatay ng kongresista o ng isang politiko lalo na sa pinakahuling kaso ni Batocabe at sa aide nitong si SPO1 Orlando Diaz na halos walang makapagturo kung sino ang utak sa pagpatay.
Paliwanag ng kongresista, sinasamantala rin ng mga kriminal ang kahinaan at mabagal na proseso ng hustisya hindi lamang sa kaso ni Batocabe kundi sa iba pang criminal activities sa bansa.
Hindi na magtataka si Acop kung sa mga susunod na buwan ay dadami pa ang mapababalitang matataas na opisyal o politiko na mapapatay sa papalapit na halalan.
Pinatitiyak naman ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez sa mga awtoridad na mapananagot sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pagpaslang sa kanilang kasamahan.
Sinabi pa ni Benitez na ang karumal-dumal na pagpatay kay Batocabe ay malinaw na pag-atake rin sa Kongreso bilang isang institusyon. CONDE BATAC
Comments are closed.