PADAMI nang padami ang bilang ng samahan ng private schools na umaalma sa Senate Bill No. 1359 at House Bill No. 7584 na nagbabawal sa No Permit, No Exam (NPNE) policy sa mga paaralan.
Nagkakaisang nananawagan ng pagbasura sa anila’y nakasisirang NPNE Prohibition Act ang Association of Christian Schools, Colleges and Universities (ACSCU), Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), Davao Association of Private Schools and Administrators (DAPRISA), Association of Private Schools and Administrators – Division of the City of San Fernando, Pampanga (APSA – DCSFP), Davao Association of Catholic Schools (DACS), Federation of Associations of Private School Administrators (FAPSA), National Alliance of Private Schools Philippines, INC. (NAPSPHIL), at iba pa.
Naglabas ng magkakahiwalay na pahayag ang mga naturang organisasyon na nagsasabi na makawawasak ang ipinapanukala ng SBN 1359 at HBN 7584 sa buong sistemang pang-edukasyon ng bansa.
Nagkakaisa sila sa kanilang pahayag na ang No Permit, No Exam (NPNE) Prohibition Act ay sumasalungat sa “complementarity between the public and private in the education sectors” na nakasaad sa Saligang Batas ng 1987.
Hindi na anila magiging balanse ang trato ng pamahalaan sa private at public schools tulad ng nakatadhana sa Konstitusyon dahil mawawalan ng kita ang private schools habang tinataasan naman ng budget ang public schools.
Ayon sa NAPSPHIL, hindi makakatulong ang mga panukala sa mental health ng mga estudyante salungat sa iminumungkahi rito. Hindi rin kasi mailalabas ang records at credentials nila hangga’t hindi nababayaran ang utang nilang matrikula at ito’y magdudulot lamang ng labis na stress sa kanila.
Sinabi naman ng DACS na pansamantalang solusyon lamang ang hindi pagbayad ng mga estudyante para makapag-exam dahil ituturing pa rin naman na may utang sila sa private schools.
Mas makakatulong anito ang pagsasabatas ng subsidy para sa deserving students kaysa pagwaksi sa NPNE na siguradong walang maidudulot na mabuti sa lahat ng stakeholders, kabilang ang mga mag-aaral.
Iminumungkahi ng private schools na makipagdiyalogo muna ang mga mambabatas sa kanila upang makabuo ng mas makatarungan at mas mainam na solusyon.
Nauna nang nagbabala ang private schools na mawawalan sila ng pondo sa loob lamang ng dalawang buwan sakaling hindi na mapuwersang magbayad ng tuition sa tamang oras ang mga estudyante at magulang.
Binigyang-diin nila na dadausdos ang kalidad ng edukasyon ng Pilipinas dahil ang buong operasyon ng private schools ay apektado katulad ng pagpapaayos ng mga pasilidad, mga scholarship, at iba pang programa. Maaari rin anilang magbawas ng guro at staff kapag nawalan na ng cash flow ang mga pribadong paaralan.